222 total views
Hindi pa sa ngayon maaaring imungkahi sa bansa ang pamamahagi ng COVID-19 booster shots bilang pangontra sa epekto ng virus sa katawan ng tao.
Ito ang nilinaw ni Dominican priest Fr. Nicanor Austriaco, isang molecular scientist, sapagkat kapag ito ay pinahintulutan sa bansa, maaaring karamihan sa mga Filipino ang hindi makatanggap ng bakuna dahil sa kakulangan pa rin sa suplay nito.
“You cannot get vaccinated because everytime you get an additional vaccine, one of our kababayans does not get the vaccines. So, that is why boosters are not recommended, in fact, they are not allowed in the Philippines at this time,” pahayag ni Fr. Austriaco sa panayam sa Veritas Pilipinas.
Nauna nang sinabi ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr. na hindi pa sa ngayon pinahihintulutan ang pamamahagi ng booster shots dahil maliit pa rin ang porsyento ng populasyon ng bansa ang fully vaccinated.
Nakikiusap naman ang pamahalaan na bigyan muna ng pagkakataon ang ibang mamamayan na makumpleto ang bakuna bago tuluyang kumuha ng booster shots laban sa COVID-19.
Batay sa tala ng NTF, nasa mahigit 47-milyong doses na ng COVID-19 vaccines ang dumating sa Pilipinas.
Kagabi ay dumating na sa bansa ang nasa higit 300,000 doses ng government-procured Pfizer vaccines, habang inaasahan namang darating ngayong buwan ang nasa 3-milyong doses ng Sinovac vaccine na binili rin ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, nasa mahigit 30-milyong vaccines na ang naipamahagi sa publiko kung saan 13 milyon Filipino rito ang kumpleto na sa dalawang dose ng bakuna habang nasa 17-milyon naman ang unang dose pa lamang ang natatanggap.