408 total views
Ito ang reaksyon ng 1987 Constitutionalist at Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. kaugnay sa pagtanggap ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa nominasyon ng partidong PDP-Laban upang kumandidato sa pagka-bise presidente sa 2022 national election.
Ayon sa Obispo, ang naturang desisyon ni Pangulong Duterte ay sadyang hindi pinagnilayan at para lamang sa pansariling kapakanan at hindi ng taumbayan.
Ipinaliwanag ni Bishop Bacani, hindi nanaangkop sa anumang posisyon sa pamahalaan ang isang ‘bully’ at ‘bolero’ na nasaksihan ng taumbayan na ipinamalas na paraan ng pamamahala ni Pangulong Duterte sa nakalipas na mahigit 5-taon sa kanyang panunungkulan.
“I am sure there was no discernment [in his decision]. This is all power play to benefit the personal interest of Duterte. Let the people turn him down. How can we elect for any government office such a bully and bolero. This is what he has shown himself to be. Never again a Digong!” pahayag ni Bishop Bacani sa panayam sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ng Obispo, bagamat may ilang mga nagawa ring maganda si Pangulong Duterte ay higit naman itong natatabunan at naisasantabi ng kanyang pagkabigo na maging isang disenteng lider ng bansa gayundin ang kanyang pagkabigo na maisakatuparan ang kanyang mga pangako kabilang na ang pagsugpo ng ilegal na droga at katiwalian sa pamahalaan.
Binigyang diin rin ni Bishop Bacani ang hindi katanggap-tanggap na paglaganap ng karahasan sa lipunan lalo na ang tila pagsuko ni Pangulong Duterte ng soberenya ng Pilipinas sa bansang China.
“Meron [naman siyang achievement] pero his failure to be a decent leader and his failures to live up to his promises, and his subservience to China, and the violence, and corruption that have characterized his rule completely overshadow his little accomplishments. Let his minions trumpet them.” Dagdag pa ni Bishop Bacani.
Iginiit ng Obispo na maituturing na pinakamalaking pagkakamali ni Pangulong Duterte ang pagkabigo nito na maging isang mabuting lider ng bansa na inuuna at binigbigyang prayoridad ang kapakanan at kabutihan ng taumbayan sa halip na ang kanyang pansariling interes sa posisyon at katungkulan.
“His [greatest mistake is his] failure to be a good man who can serve as a selfless servant in example for our people.” Ayon pa kay Bishop Bacani.
Una ng binigyang diin ni Bishop Bacani na absolute’ ang probisyon na nagbabawal na muling maging pangulo ang isang pangulo ng Pilipinas na nakapaglingkod na ng isang buong termino.
Sa ilalim ng Saligang Batas, nasasaad ang pagsisilbi sa loob ng anim na taon o isang termino ng isang Presidente ng bansa at hindi na maaari pang tumakbo para sa panibagong termino ng pagkapangulo.
Sa Oktubre nakatakda ang paghahain ng Certificate of Candidacy ng mga tatakbong sa nakatakdang halalan sa susunod na taong 2022.