1,814 total views
Nasasaad sa Second Plenary Council of the Philippines (PCP II) ang posisyon ng Simbahang Katolika sa Pilipinas kaugnay sa usapin ng politika bilang bahagi ng responsibilidad o tungkulin ng mga mamamayan para sa bayan.
Ito ang ibinahagi ni Rev. Fr. Christian Buenafe, O.Carm., Co-Executive Secretary ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines sa tungkulin ng bawat Kristiyano para sa kapakanan at kinabukasan ng bayan.
Ayon sa Pari, mahalaga ang mga isinasagawang webinar ng mga institusyon ng Simbahan partikular na ang Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) upang maimulat ang kamalayan ng mga Catholic educators, students at iba pang lingkod ng Simbahan sa mahalagang tungkulin na dapat gampanan upang maisulong ang kaayusan at kapakanan ng bayan sa darating na halalan.
“Sa PCP II the document Article 28 #1, sinasabi ng Simbahan sa Pilipinas ang kanyang posisyon tungkul sa politics at ano ang ating responsibilidad bilang mamamayan. Especially as Catholic educators, Catholic students we hold a very important role, and task, and function especially sa future ng bansa.” pahayag ni Fr. Buenafe, sa unang webinar series ng CEAP’s 2022 Election Engagement.
Ipinaliwanag ng Pari na mahalagang mabuksan ang kamalayan ng taumbayan sa iba’t ibang usaping panlipunan na maaring maging batayan at gabay sa masusing pagpili ng mga karapat-dapat na opisyal ng bayan.
Partikular na tinukoy ni Fr. Buenafe ang patuloy na pag-iral ng Political Dynasty sa bansa na naglilimita sa iba pang may kakayahan at nagnanais na maglingkod sa bayan.
Giit ng Pari, bukod sa pag-angkin ng iisang pamilya o angkan sa posisyon at katungkulan sa pamahalaan ay kapansin-pansin din ang pagmamanipula ng mga kasapi sa political dynasty sa bansa upang pumabor ang mga batas at panuntunan ng pamahalaan sa kanilang mga pansariling kapakinabangan.
“Political dynasties are actually preservation of power by a select few in a given society, they suck the creativity and potentials of service and leadership of other people and they manipulate laws and norms to justify their present titles, positions, powers and advantages.” Dagdag pa ni Fr. Buenafe.
Hinikayat naman ng Pari ang bawat mamamayan na balikan ang mga opisyal na posisyon at paninindigan ng Simbahan partikular ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, AMRSP, CEAP at ibang institusyon ng Simbahan kaugnay sa usapin ng Political Dynasty.
Ayon kay Fr. Buenafe, “Ang daming mga statements na ang ginawa ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines and even CEAP, ang gaganda ng ating mga written documents [pero] hindi tayo pinapakinggan, binabasa pero hindi natin isinasabuhay. Magandang balikan natin ang mga positions ng mga Catholic institutions, Political Dynasty is not a given right.”