224 total views
Kapanalig, marami na sa atin ang unti-unti ng nawawalan ng pag-asa. Dalawang surge o silakbo ng COVID 19 ang ating naranasan nitong unang bahagi ng taon. Maraming mga pamilya ang nawalan ng mahal sa buhay, maraming mga negosyo ang tuluyan ng nagsara, maraming Filipino ang pagod na kakalaban. Hanggang kailan magtatagal ang sitwasyong ito?
Maraming mga siyentipiko ang nagsasabi na ang COVID 19 ay maaring maging endemic na sa ating mundo. Ano bang kahulugan nito?
Ayon sa mga eksperto, maaring hindi tuluyang mawala ang COVID 19. Maaring ito ay mag-evolve na lamang at patuloy nang umikot sa ating mundo. Maaring magkaroon na tayo ng immune protection sa virus na ito sa pamamagitan ng bakuna o natural na impeksyon. Darating din ang panahon na kokonti na ang transmisyon at mababawasan ang mga naho-hospital. Kaya lamang, hindi pa masabi kung kailang darating ang panahon na ito.
Dahil nga “uncertain” o walang kasiguruhan ang hinaharap, marami sa atin ang hirap makabangon mula sa krisis na ito na pumaralisa sa buong mundo. Mahirap man, kapanalig, pero kaya natin ito. Kailangan nating bumangon, kailangan nating magpatuloy.
Tayo ay mayroong sandata upang malabanan ang virus na ito. Ang health protocols at bakuna ay ating panangga laban sa COVID 19. Kung ating susundin ang mga health protocols, maari nating mapigilan ang mabilisang pagkalat nito. Ang simpleng pag-susuot ng mask ay malaki ang epekto. Ayon sa isang pag-aaral sa Estados Unidos noong 2020, mas mababa ng apat ng beses o four times lower ang mortality sa mga lugar kung saan ang face mask ay malawakang ginagamit.
Ngayong nalalapit na ang huling quarter o sangkapat ng taon, kailangan nating buhayin muli ang mga negosyo at ang consumer confidence upang sumigla ulit ang ating ekonomiya. Muli, ang health protocols ay importanteng sangkap dito. Ang regular na disinfection sa ating mga places of business, ang pag-iwas sa mga pagkumpul-kumpul ng mga tao ay ilan sa maaring magawa ng mga negosyo upang makapag-simula ulit.
Kapanalig, maging endemic man o hindi ang COVID-19, tuloy dapat ang buhay natin at ang ating pakikibaka sa araw-araw. Huwag tayong mawawalan ng pag-asa. Hirap man umasa sa pamahalaan para sa mga pangunahin nating pangangailangan, kaya pa rin natin umusad. Inuudyukan tayo ng Frateli Tutti, ang pinakahuling encyclical ni Pope Francis na patuloy na lumaban at mangarap. Sa gitna ng krisis, huwag tayong mawawalan ng pag-asa.
Sumainyo ang Katotohanan.