231 total views
Makapaghatid ng karagdagang kaalaman sa bakuna bilang proteksyon sa banta ng COVID-19 virus ang layunin ng e-talk na inorganisa ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Health Care katuwang ang Department of Health, iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan, Unilab at ang programa nitong Alaga sa Kalusugan ng Pamayanan (AKAP).
May titulo ang nasabing e-talk na “Tanong ng Bayan: Sa panahon ngayon, paano magiging protektodo ang pamilya ko?” kung saan tinalakay ang proteksyon na naidudulot ng iba’t ibang COVID-19 vaccine para sa bawat isa.
Kabilang sa mga nagbahagi ng kanilang mga kaalaman ay ang ilang mga piling eksperto mula sa larangan ng medisina partikular na sa usapin ng Infectious Diseases.
‘WE SHOULD HELP ONE ANOTHER’
Ayon kay Dr. Joseph Adrian Buensalido, Infectious Diseases Specialist mula sa Makati Medical Center at siya ring Infection Prevention and Control Chairman sa Asian Hospital & Medical Center, mahalaga ang pagtutulungan ng bawat isa upang sama-samang malagpasan ang krisis pangkalusugan na dulot ng COVID-19 pandemic.
Inihayag ni Dr. Buensalido na bukod sa pagsusulong ng pagpapabakuna ay mahalaga ring magkaisa ang bawat isa sa paglaban sa fake news o infodemic na nagdudulot ng maling pananaw sa mga mamamayan kaugnay sa COVID-19 vaccine.
Iginiit ni Dr. Buensalido, mahalagang maunawaan at masuri ng bawat isa ang tunay na proteksyong naidudulot ng bakuna laban sa virus.
“We should help one another, we shuold be a champion against fake news, yung infodemic, we should be a champion against SARS-COV2 this zombie virus and we should be a champion for vaccination not blindly dapat nag-aaral tayo binabasa natin dahil kapag nagbasa tayo makikita natin na talagang may ebidensya naman na gumagana at safe itong mga bakunang ito.” Ang bahagi ng pahayag ni Dr. Joseph Adrian Buensalido.
‘BAKUNA, NAGPAPABABA NG RISK MULA SA VIRUS’
Nilinaw naman ni Dr. Anna Ong-Lim, Immediate Past President ng Prediatric Infectios Disease Society of the Philippines at Member ng DOH Technical Advisory Group na bagamat magkakaiba ang epekto ng bakuna sa bawat isa ay mas mahalaga pa rin ang proteksyong naidudulot nito upang mapababa ang panganib na dulot ng COVID-19 virus sa isang taon.
Ipinaliwanag ni Dr. Ong-Lim, ang COVID-19 vaccine ay higit na nakapagpapababa ng panganib mula sa matinding epekto ng pagkawaha sa virus kabilang na ang pagkamatay.
“Iba iba ang karanasan ng tumanggap ng bakuna, mayroong iba na very effective yung bakuna para sa kanila, yung iba despite na nakabuo na sila ng dalawang dosage ay nadisgrasya pa rin. Kasi tatandaan natin na ang bakuna hindi naman yan, wala naman siyang sinasabing 100%, hindi siya magic bullet, hindi siya silver bullet, so ang inaasahan nating kayang ibigay ng bakuna ay pagbaba ng risk ng pagkakahawa ng matinding sakit or risk ng death but the risks is still there.” Ayon kay Dr. Anna Ong-Lim.
‘ANG TOTOONG FRONTLINERS AGAINST THE VIRUS IS YUNG TAO MISMO’
Samantala, inihayag naman ni Dr. Karl Henson, Board Member ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases at siya ring Director ng Hospital Infection Control & Epidemiology Center sa The Medical City na bagamat mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga medical workers sa paglaban at pagtiyak ng kaligtasan ng bawat mamamayan mula sa epekto ng COVID-19 virus ay ang mismong mga tao naman ang tunay na frontliners laban sa naturang nakahahawa at nakamamatay na sakit.
Ayon kay Dr. Henson, sa pamamagitan ng pagtiyak ng bawat isa na masunod ang mga ipinatutupad na minimum public health standards sa loob at labas ng tahanan ay maiiwasan ang pagkalat ng virus at pagkakasakit ng bawat isa dahilan upang hindi na kailanganin pa ang magpaospital at serbisyo ng mga medical frontliners.
Sinabi ni Dr. Henson na ang mga simpleng mamamayan na patuloy na humaharap sa banta ng COVID-19 virus upang maibigay ang pangangailangan ng kanilang pamilya ang tunay na frontliners na dapat na nangunguna sa pagtiyak ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga payo ng eksperto kabilang na ang pagpapabakuna.
“I also like the idea of yung you call us frontliners pero in fact last line of defense ang ospital, ang totoong frontliners against the virus really is yung tao mismo practicing the minimum public health standards, making sure that there is good ventilation at home kasi if you don’t get sick, you don’t need to go to the hospital and you don’t need to be seen by us sa mga ospital. So yes we are frontliners but in the final analysis we’re really the last line of defense against the virus, ang frontliner talaga is yung tatay, nanay na nagtatrabaho, yung those who really go and do their regular stuff tapos they are at risk dun sa virus so we really need kailangan tayong lahat magtulong tulong para maiwasan na mainfect ng sarili at ng iba’t ibang tao.” Paliwanag ni Dr. Karl Henson.
Matatandaang ayon sa CBCP bahagi ng tungkulin at pananagutan ng bawat isa ang pagpapabakuna na hindi lamang para sa pansariling kapakanan kundi maging para sa kaligtasan ng kapwa sa pamayanan.
Una ng inihayag ng DOH ang planong pagbabakuna sa 70-milyong mga Pilipino upang makamit ang herd immunity mula sa COVID-19 virus sa bansa.