380 total views
Kinondena ni Cebu Archbishop Jose Palma ang binabalak na Smart City project sa Dumaguete na maaaring magdulot ng panganib sa yamang-dagat at mga residente ng lungsod.
Ang nasabing proyekto ay ang plano ng pamahalaang lungsod ng Dumaguete na pagtatayo ng nasa 174 na ektaryang reclamation project na nagkakahalaga ng P23-bilyon.
Sa inilabas na pahayag ng Arsobispo, sinabi nito na ang simbahan ay hindi tutol sa anumang pag-unlad na makakatulong sa ekonomiya ng bansa, ngunit kailangan din munang isaalang-alang ang ibang mga bagay na maaaring idulot nito sa kaligtasan ng mga tao maging ng kalikasan.
“Development should have a human face… one that adheres to and primarily attends to the general welfare of the people first and foremost before anything else,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Palma.
Paliwanag ni Archbishop Palma na ang pag-unlad ay hindi lamang dapat para sa kapakanan ng iilan, ngunit dapat ding isaalang-alang ang kapakanan ng nakararami.
Dagdag pa ng Arsobispo na kaakibat dapat ng pag-unlad ay ang pag-unawa sa damdamin ng mga higit na maaapektuhan nito, maging ang pagtataguyod at pagpapahalaga sa karapatan at kaligtasan ng mamamayan.
“Development cannot be undertaken to cater and benefit only a few. In fact, development should even be the price and pride of humanity, when their rights, dignity and wellness are respected and promoted,” ayon kay Archbishop Palma.
Muli namang nananawagan si Dumaguete Bishop Julito Cortez sa lokal na pamahalaan ng Dumaguete na isaalang-alang muna ang kapakanan ng mga maaapeketuhang residente at ng kalikasan bago tuluyang magsagawa ng mga proyekto nang sa gayon ay maiwasan ang mga panganib at mapanatili ang kaligtasan ng lahat.
Ang Diyosesis ng Dumaguete ay isa sa mga suffragan ng Metropolitan Archdiocese of Cebu.
Sang-ayon sa Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco, mariing tinututulan ng Santo Papa ang industriya ng pagmimina sapagkat nag-iiwan lamang ito ng labis na pinsala sa mga komunidad at nakadaragdag sa labis pang paghihirap ng mamamayan.