365 total views
Mahalaga ang pagiging ligtas sa anumang karamdaman.
Ito ang panawagan ni Lipa, Batangas Archbishop Gilbert Garcera sa mamamayan upang magpabakuna laban sa coronavirus disease na ngayo’y mas mapanganib dahil sa banta ng Delta variant.
Ayon kay Archbishop Garcera, mahalagang magpabakuna sapagkat ito ang paraan upang maiwasan ang malalang epekto ng virus sa katawan ng tao, gayundin para sa kaligtasan ng bawat mamamayan.
Hinihimok din ng Arsobispo na nawa’y patuloy na sundin ng lahat ang minimum health protocols bilang pag-iingat sa panganib na makahawa at mahawaan ng COVID-19.
“Mahirap po ang [COVID-19]. Kung kaya’t po ang advice ko sa inyo ay magpabakuna. Sapagkat mahalaga po na tayo ay ligtas sa anumang sakit… Alagaan n’yo ang inyong buhay. Social distancing, facemask, ang paghuhugas natin ng kamay at mahalaga po, magpabakuna,” panawagan ni Archbishop Garcera.
Matatandaang noong Marso ng kasalukuyang taon, si Archbishop Garcera ay nagpositibo sa COVID-19, kasama ng iba pang mga pari mula sa Arkidiyosesis ng Lipa.
Samantala, batay sa huling tala, nasa mahigit 31-milyong doses na ng COVID-19 vaccine ang naipamahagi ng pamahalaan mula nang ito’y simulang ipamahagi noong unang araw ng Marso.
Sa nasabing bilang, 18-milyong Filipino na ang nakatanggap ng unang dose, habang nasa 13-milyon naman ang kumpleto na sa bakuna.
Nakapagtala naman ngayong araw ang Department of Health ng 18,528 na panibagong kaso ng COVID-19, mababa kumpara sa naitala kahapon (Agosto 28, 2021) na 19,441 na kaso – ang kasalukuyang pinakamataas na bilang sa mga naitalang panibagong kaso magmula nang lumaganap ang COVID-19 noong nakaraang taon.