401 total views
Kinilala ng Archdiocese ng Maynila ang malaking ambag ng mga bayani sa pagtatanggol sa bayan at maging ang itinuturing na bagong bayani sa kasalukuyang panahon.
Ito ang mensahe ni Archbishop Jose Cardinal Advincula sa pagdiriwang ng National Heroes Day nitong August 30.
Nagbigay pugay ang Cardinal sa mga indibidwal na patuloy sa paglilingkod sa bayan sa gitna ng matinding panganib dala ng coronavirus pandemic.
“Sa panahong ito ng pandemya, itinuturing din nating bayani ang mga frontliners, lalo na ang mga medical workers. Sa ating paglaban sa Covid-19 virus, sila ay tunay na mga bayani. Ang buong bayan ay nagpapasalamat sa inyo,” pahayag ni Cardinal Advincula sa panayam ng Radio Veritas.
Batid ng arsobispo ang sakripisyo lalo na ng mga healthcare workers na pangunahing tumutugon sa lumalalang pandemya kung saan patuloy ang pagtaas ng kaso ng mga nahawaan ng virus.
Sa mahigit 200 milyong nahawaan sa buong mundo halos dalawang milyon ay mula sa Pilipinas kung saan higit sa 30-libo na ang nasawi.
Bukod dito kinilala rin ni Cardinal Advincula ang mga uring manggagawa sa iba’t ibang sektor na nagsusumikap itaguyod ang kanilang pamilya at nakatutulong sa patuloy na paggalaw ng ekonomiya ng bansa na labis naapektuhan ng pandemya.
“Kinikilala din natin ang kabayanihan ng mga “bagong bayani,” ang mga tahimik na naglilingkod para sa ikabubuti ng iba, katulad ng ating mga OFWs at mga laborers sa iba’t ibang industriya,” ani ng cardinal.
Sa muling pagsailalim ng National Capital Region at ilang lalawigan sa pinakamahigpit na uri ng lockdown halos kalahating milyong manggagawa ang pansamantalang nawalan ng pagkakitaan.
Ayon naman sa tala ng WorldRemit Philippines nakitaan ng paglago ang OFW Remittance ngayong taon ng hanggang pitong porsyento makaraang tumaas sa mahigit 13 bilyong dolyar ang remittance ng mga OFW.
Hinimok din ni Cardinal Advincula ang mamamayan na alalahanin ang mga pumanaw na bayani na nagbuwis ng buhay alang-alang sa kalayaang tinatamasa ng bansa at pinakikinabangan ng bawat mamamayan ng kasalukyang henerasyon.
“Sa ating pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani, kinikilala natin ang mga dakilang ginawa ng ating mga bayani. Tumatanaw tayo ng utang na loob sa kanila na inuna ang bayan bago ang sarili,” dagdag pa ni Cardinal Advincula.
Batay sa kasaysayan ipinagdiriwang ang National Heroes Day tuwing huling Lunes ng Agosto kung saan ginugunita ang ‘Sigaw ng Pugad Lawin’ na hudyat ng pagsimula ng himagsikan laban sa mga Espanyol noong 1896.