394 total views
Kinundina ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity ang patuloy na pagpapahintulot ng administrasyong Duterte sa operasyon ng mga pasugalan sa bansa.
Ayon kay Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo na siyang chairman ng kumisyon, maituturing na isang kabalintunaan ang polisiya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kaugnay sa usapin ng gambling sa bansa.
Partikular na tinukoy ng Obispo ang pinakahuling pahayag ni Pangulong Duterte na pagkuha ng pamahalaan ng pera mula sa gambling bilang pondo ngayong panahon ng pandemya.
Pinuna rin ni Bishop Pabillo ang pagpapahintulot ng Pangulong Duterte sa operasyon ng mga Chinese ng POGO sa bansa gayundin ang pagbabago ng desisyon nito sa pagtatayo ng mga casino sa Boracay kung saan taong 2018 ay ipinagbawal ito.
“Sa pahayag ng presidente ngayong linggo sinabi niya: ‘Ngayon po wala tayong pera. Kung saan tayo makakuha ng pera, kukunin ko. Kung diyan sa gambling, so be it.’ At pinayagan niya na magtayo ng casino sa Boracay, na noong 2018 ay pinagbawal niya kasi dapat daw gambling free ang Boracay kasi he hates gambling daw. Ngayon nag-iba na ang tugtog kaya pati ang mga POGO ng mga Instik ay pinapayagan,” pagninilay ni Bishop Pabillo sa kanyang Misa sa Taytay Cathedral.
Paliwanag ni Bishop Pabillo, hindi lamang pera ang dinadala ng sugal sa buhay ng bawat isa kundi maging pagkalulong sa salapi na nauuwi sa iba’t ibang uri ng kasalanan at karahasan sa lipunan kabilang na ag kurapsyon o katiwalian, kidnapping at pagpatay na nakasisira sa pamilya.
Pagbabahagi ng Obispo, hindi lamang pera ang dapat na magpatakbo sa buhay at prinsipyo ng bawat isa sa halip ay mas dapat na pahalagahan ang kabutihan at dignidad ng bawat mamamayan.
Giit ni Bishop Pabillo, hindi dapat pamunuan ang bansa ng mga taong ang buhay ay hindi nakaugat sa Salita ng Diyos na mas higit na binibigyang halaga ang pera kaysa sa paninindigan sa tama at sa kabutihan.
“Alam naman natin na ang sugal ay hindi lang nagdadala ng pera. Nagdadala din ito ng corruption, ng kidnapping, ng patayan at nakakasira ng pamilya at ng buhay ng tao. Pera na ba ang nagpapatakbo ng buhay natin, na lahat ng prinsipiyo, pati ang ating salita at kabutihan ng mamamayan ay isasantabi kasi kailangan natin ng pera? Iyan ang mga tao na ang buhay ay hindi naka-ugat sa Salita ng Diyos at kawawa ang bayan na pinamumunuan ng ganyang mga tao,” dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Taong 2016 inimbetigahan ng Senado ang 6 na malalaking casino sa Metro Manila matapos na madiskubre ang $81 milyong dolyar na money laundering scheme sa Philippine banking system na naipuslit mula sa mga casino.
Matatandaang itinuturing ng namayapang dating CBCP – President na si retired Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz na isang kilalang anti-gambling advocate na ang paggamit ng pera mula sa sugal ay isang uri ng pagnanakaw sa moralidad ng mga maralita.