402 total views
Pangungunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang pagsisimula sa taunang paggunita sa Season of Creation na may temang ‘A Home for All? Renewing the Oikos of God’.
Isasagawa ito bukas, unang araw ng Setyembre sa ganap na alas-10 ng umaga sa pamamagitan ng banal na Misa sa Minor Basilica of the Immaculate Concepcion o Manila Cathedral.
Kasabay ng pagsisimula ng Season of Creation ay ang paggunita sa World Day of Prayer for the Care of Creation na idineklara ng Kanyang Kabanalan Francisco bilang pag-aalay ng panalangin para sa mga likas na yamang nilikha ng Poong Maykapal.
Nauna nang hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang bawat mananampalataya na makibahagi sa lahat ng mga gawain sa pamamagitan ng National Laudato Si’ Action Platform.
Ito ay ang pitong taong paglalakbay tungo sa pagsasabuhay ng ensiklikal na Laudato Si’ ni Pope Francis para sa wasto at kristiyanong pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.
Matutunghayan ang mga gawain kaugnay sa Season of Creation sa mga facebook page ng Laudato Si Movement Pilipinas, CBCP National Laudato Si Program at Veritas.846.ph.
Sa buong mundo, ipinagdiriwang ang Season of Creation mula unang araw ng Setyembre hanggang Oktubre 04, kasabay ng kapistahan ni San Francisco de Asis – ang patron ng kalikasan.
Ngunit dito sa Pilipinas ay pinalawig ito hanggang sa ikalawang linggo ng Oktubre upang ipagdiwang ang Indigenous Peoples’ Sunday.
Kasabay nito ang paggunita sa ikaanim na taon ng World Day of Prayer for Care of Creation na idineklara ni Pope Francis noong taong 2015, alinsunod sa isinasagawang pag-aalay ng panalangin ng Orthodox Church na nagsimula pa noong taong 1989.