1,248 total views
Kapanalig, sa ating bansa, ang buwis ang isa sa mga malaking aspeto ng trabaho na iniinda ng maraming Pilipino.
Wika nga ng marami nating kababayan, bago pa man mapasakamay natin ang perang pinagtrabahuhan, bawas na ito ng gobyerno. Ang budget natin para sa ating sarili at para sa ating pamilya ay bawas na, kaltas na.
Ayon sa mga eksperto, ang ating bansa ang isa sa may pinakamataas na buwis sa buong ASEAN region. Ang income tax ngayon sa ating bansa ay umaabot ng 32% para sa mga Pilipinong kumikita ng P500,000 o higit pa kada taon. Ang P500,000 kada taon ay katumbas ng Php38,000 na kita kada buwan, kasama ang 13th month pay. Kapanalig, ang halagang ito ay malayong malayo sa simple at komportableng buhay na ina-ambisyon ng maraming Pilipino. Ayon nga sa National Economic Development Authority noong Hunyo 2016, ang ganitong uri ng buhay ay nangangailangan ng P120,000 na kita kada buwan sa ating bayan. Sa halagang ito, may pag-asa tayong magkaroon ng simpleng bahay at sasakyan at masisigurado natin ang pondo para sa pagtatapos ng mga anak sa kolehiyo.
Kapanalig, sa liit ng budget ng karaniwang pamilyang Pilipino, at sa laki ng kaltas ng buwis sa kanilang sahod, hindi ba’t tama lang na maibigay natin ang ating saloobin at opinyon ukol sa pinupuntahan ng budget ng bayan, na galing naman sa ating mga sariling pitaka?
Sa ngayon kapanalig, umaabot ng Php3.35 trillion ang proposed budget ng ating pamahalaan para sa 2017. Ang dasal ng maraming Pilipino, lalo na ng naghihikahos, ang budget sana na ito ay tunay na maramdaman ng mga tao.
Kaya’t nga’t marami ang umaasa hindi lamang para sa tax reform, kundi ang pag-gamit ng buwis sa tunay na pagbabago, gaya na lamang ng nakasaad sa mensahe ng ating Pangulo sa 17th Congress ukol sa ating budget para sa 2016. Ayon sa mensahe, ang budget ay para sa mamamayan at mula sa mamamayan, kaya nga’t isa sa mga prinsipyo nito ay accountability to the people. Ang anumang impormasyon na nais nating malaman ukol dito ay ating makukuha sa bisa ng Executive Order o Freedom of Information law sa ehekutibong sangay ng pamahalaan.
Kapanalig, ang ating budget ay dapat maging repleksyon ng ating prayoridad bilang isang bansang nagkakaisa. Ang malaking porsyento nito ay dapat mailaan sa pagtaas ng kalidad ng buhay ng bawat Pilipino. Umaasa ang bayan na ngayon, madarama na natin ang mga benepisyo ng buwis na walang paltos na kinakaltas sa atin buwan buwan.
Ang Panlipunang Turo ng Simbahan ay may gabay sa mga estado ukol sa buwis. Ang Rerum Novarum ay nagpapa-alala sa atin ng sentralidad ng tao sa lahat ng uri ng sistema ng pagbubuwis. Nawa’y ating dinggin: “Now a State chiefly prospers and thrives through moral rule, well-regulated family life, respect for religion and justice, the moderation and fair imposing of public taxes, the progress of the arts and of trade, the abundant yield of the land-through everything, in fact, which makes the citizens better and happier.