3,054 total views
Ang eleksyon o halalan ay isang pambansang gawain na dapat seryosohin ng bawat mamamayan.
Ito ayon kay Rev. Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, ang isa sa mga layunin at nais bigyang-diin ng nakatakdang ilunsad na election campaign ng Archdiocese of Manila na tinaguriang “1 Godly Vote”.
Pagbabahagi ng Pari, layunin ng nasabing election campaign na gabayan ang bawat botante sa maka-Diyos na pagpili ng mga bagong opisyal ng bayan na karapat-dapat ihalal sa nakatakdang eleksyon sa susunod na taon.
Paliwanag ni Fr. Secillano, nangangahulugan ang maka-Diyos na pagpili ng mga botante sa pagsasantabi ng pansariling kapakanan at pagbibigay prayoridad sa tunay na ikauunlad at ikabubuti ng bayan lalo na ang common good o kabutihan ng mas nakararami.
“Kaya tinawag natin 1 Godly Vote ‘yan because it is a campaign for the voters to take seriously the elections. Gawin natin na yung pagpipili natin ng mga kandidato ay isang maka-Diyos talagang pagpipili at kapag sinabi nating maka-Diyos na pagpipili ang unang-unang iniisip dito hindi sariling kapakanan, kapag maka-Diyos na pagpipili iniisip din dito ang kapakanan ng bayan. Ano talaga ang makabubuti sa bayan, ano ang makabubuti para sa tao para umunlad tayo ng sabay sabay,” pahayag ni Rev. Fr. Jerome Secillano sa Radio Veritas.
Ang naturang election campaign ng Archdiocese of Manila Commission on Social Communication na binubuo ng Radyo Veritas846, TV Maria at Archdiocesan Office of Communications ay isang hakbang at ambag ng Simbahan para sa paghahanda sa nakatakdang halalan sa susunod na taong 2022.
Pangungunahan ni CBCP-Episcopal Commission on the Laity Chairman Taytay Bishop Broderick Pabillo ang online launching ng 1 Godly Vote kung saan kabilang din sa mga magsisilbing panelist sina Rev. Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs at Rev. Fr. Nolan Que, Chairperson ng National Christian Formation Commission (NCFC) ng Catholic Educational Association in the Philippines (CEAP) habang magsisilbi namang moderator ang Commissioner ng Manila Archdiocesan Commission on Social Communications at Vice President for Operations ng Radio Veritas na si Rev. Fr. Roy Bellen.
Nakatakda ang paglulunsad ng 1 Godly Vote election campaign ganap na alas-dyes ng umaga sa ika-2 ng Setyembre via Zoom na maaari ding mapakinggan sa Radio Veritas846 at mapapanood rin sa official Facebook page ng himpilan na Veritas846.ph at sa TV Maria.