395 total views
Hinikayat ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang bawat mananampalataya na maging mabuti at responsableng katiwala ng ating nag-iisang tahanan.
Ito ang panawagan ni Cardinal Advincula sa kanyang pagninilay sa banal na Misa para sa pagsisimula ng Season of Creation ngayong taon na isinagawa sa Minor Basilica of the Immaculate Concepcion o Manila Cathedral.
Ayon kay Cardinal Advincula, ang lahat ng likas na yamang nilikha ng Diyos ay handog para sa sangkatauhan at malayang magamit ng sinuman, ngunit sa paglipas ng panahon ay naging mapagmalabis at mapagsamantala na ang mga tao sa paggamit nito.
Paliwanag ng kardinal na ang kapabayaang ito ng mga tao ang naghantong sa pagiging limitado ng mga likas na yaman para sa lahat at dahilan din ng pagbabago ng natural na sistema ng mundo na nagdudulot ng iba’t ibang sakuna.
“This is the call to each of us to be responsible stewards of creation… When we do not recognize the gifts that we have received, we fail to be responsible stewards. And once we fail to be responsible stewards and start acting as they are our possessions, we will never share them with others as gifts. We may even use the gifts to take advantage of others,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Samantala, hinimok naman ni Cardinal Advincula ang lahat na samahan ang Kanyang Kabanalan Francisco para sa intensyon ngayong buwan ng Setyembre na hinihikayat ang lahat na mamuhay nang simple at naaayon sa paraang makatutulong upang mapangalagaan at mapanatili ang ating inang kalikasan.
Hinihiling din ng kardinal na nawa’y sa pamamagitan ni San Francisco ng Assisi na patron ng kalikasan ay masimulan ng bawat mananampalataya ang paggunita sa Season of Creation nang may pasasalamat at maisabuhay ang layuning maging responsableng katiwala ng Poong Maykapal.
“With the inspiration of Saint Francis of Assisi, let us embark on the season of creation with gratitude for the gifts we have received and a firm resolve to share and be responsible stewards of God’s gifts,” ayon kay Cardinal Advincula.
Ngayon ang ikasiyam na taon ng paggunita sa Season of Creation sa Arkidiyosesis ng Maynila magmula nang ito’y ilunsad sa buong Arkidiyosesis noong taong 2012.
Kasabay nito ang paggunita sa ikaanim na taon ng World Day of Prayer for Care of Creation na idineklara ni Pope Francis noong taong 2015.
Tema ng Season of Creation ngayong taon ang ‘A Home for All? Renewing the Oikos of God’ na ipagdiriwang sa buong mundo mula unang araw ng Setyembre hanggang Oktubre 4, kasabay ng kapistahan ni San Francisco ng Assisi.
Ngunit dito sa Pilipinas ay pinalawig ito hanggang sa ikalawang linggo ng Oktubre upang ipagdiwang ang Indigenous Peoples’ Sunday.