494 total views
Mahalaga ang tungkuling ginagampanan ng social communication ministry ng Simbahang Katolika para sa pagpapalaganap ng layunin ng eletion campaign na One Godly Vote para sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.
Ito ang binigyang diin ni Rev. Fr. Jerome Secillano – Executive Secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs sa online launching ng One Godly Vote na election campaign ng Archdiocese of Manila Commission on Social Communications na binubuo ng Radyo Veritas 846, TV Maria at Archdiocesan Office of Communications.
Ayon sa Pari, napakalawak at napakahalaga ng tulong na maidudulot ng social communication ministry ng Simbahang Katolika upang maipalaganap ang One Godly Vote election campaign lalo na ngayong panahon ng pandemya kung saan mas nakatutok ang mamamayan sa paggamit ng iba’t ibang social media platform.
“Practical yung magiging impact nito at saka palagay ko enormous talaga yung magiging impact niya sa campaign ng One Godly Vote kasi kung hindi man nakakapunta halimbawa yung mga tao sa labas para mag-gather ay yung access nila sa social media ay talagang napakalaking tulong para sa pagbibigay ng impormasyon.” pahayag ni Rev. Fr. Secillano sa online launching ng One Godly Vote.
Pagbabahagi ng Pari, bukod sa pagpapalaganap ng impormasyon at layunin ng One Godly Vote sa pamamagitan ng mainstream media tulad ng radyo at telebisyon ay mahalaga ring magamit ng Simbahan ang social media platforms bilang daluyan ng impormasyon kabilang ang mga plataporma ng mga kandidato at paninindigan ng mga ito sa mga polisiyang tunay na nakaaapekto sa bawat isa.
Giit ni Fr. Secillano, ang paggamit ng social media platforms ay isa ring epektibong paraan upang higit na maabot at mabuksan ang kamalayan ng mga kabataan kaugnay sa mga usaping panlipunan.
“Binaggit ko din na ito [social media platforms] ay gagamitin din natin talaga para i-blast yung mga information about political platforms, about candidates’ platforms, about the quality of the candidates, about the policies na nakakaapekto sa atin, so yung information dissemination ay talagang ginagawa ngayon sa social media aside from the mainstream media katulad ng television and radio so ito talaga ay makakatulong sa mga kabataan lalong lalo na dahil sila mismo ay babad sa social media.” Dagdag pa ni Fr. Secillano.
Una ng inihayag ng Pari na layunin ng One Godly Vote election campaign na gabayan ang bawat botante sa maka-Diyos na pagpili ng mga bagong opisyal ng bayan na nangangahulugan sa pagsasantabi ng mga botante sa kanilang pansariling kapakanan at pagbibigay prayoridad sa tunay na ikauunlad at ikabubuti ng bayan lalo na ang common good o kabutihan ng mas nakararami.
Matatandaang una nang nanawagan at hinimok ng Kanyang Kabanalan Francisco ang bawat isa na gamitin sa mas makabuluhang pamamaraan ang internet at social media na dapat ituring na isang pambihirang biyaya ng Panginoon para sa pakikipagkumunikasyon at pagbabahagi ng impormasyon.