560 total views
Nanindigan si Ozamis Archbishop Martin Jumoad na negatibo ang epekto ng pagpapahintulot sa mga pasugalan sa bansa.
Ipinaliwabag ng arsobispo na kaakibat ng sugal ang iba pang bisyo na kahuhumalingan ng tao na maaring magresulta sa pagtaas ng kriminalidad sa lipunan.
“Evil is evil, vice is vice and it will not enhance the virtue mas mahirap pa baka maging gambling capital ang bansa at mahirap na ito kontrolin; kung may gambling may other vices din yan,” pahayag ni Archbishop Jumoad sa Radio Veritas.
Kamakailan ay inalis ng Pangulong Rodrigo Duterte ang moratorium sa pagtatayo ng mga casino sa bansa.
Ayon sa pangulo makatutulong ang karagdagang kita ng mga pasugalan upang pondohan ang patuloy na pagtugon ng pamahalaan sa krisis bunsod ng coronavirus pandemic.
Dahil dito maaring maipagpatuloy ang pagtatayo ng 500 million-dollar integrated casino sa Boracay Island.
Iginiit naman ni Archbishop Jumoad na lubhang mapanganib sa mamamayan ang pagkakaroon ng mga pasugalan sapagkat nag-uugat din ito ng pagkasira ng pamilya at maging ng korapsyon sa lipunan.
“Ako categorically will speak NO talaga sa sugal kasi magkokonek ito sa ibang crimes, family will be destroyed; relationship between the husband and wife as well as the relationship with children, kung wala ng pera pantustos sa sugal maaring magnakaw at simula ng korapsyon,” giit ni Archbishop Jumoad.
Una nang nanindigan ang simbahang katolika sa pangunguna ng Dicastery for Promoting Integral Human Development na ang pagpapahintulot sa sugal ay magdudulot ng pagkagumon ng mamamayan sa makamundong bagay at iginiit na ‘unethical’ na pamamaraan para kumita upang tustusan ang pangangailangan ng tao.
Samantala tutol din ang mga residente ng Boracay sa planong pagtatayo ng mega casino sa lugar sapagkat banta rin ito sa kapakanan ng mamamayan lalo ng mga katutubong maapektuhan.
Ayon kay Malay Councilor Nenette Aguirre Graf, kayang kumita ng hanggang 60 bilyong piso ang Boracay Island kahit na walang casino sa lugar.
Dismayado rin ang maraming grupo sa desisyon ng punong ehekutibo na payagan ang pagtatayo ng mga bagong casino sa bansa.