392 total views
Hindi isang ‘commercial celebration’ ang Araw ng Pasko.
Ito ang paalala ni incoming Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David kaugnay sa maagang pagsisimula ng pagdiriwang ng pasko sa bansa tuwing sumasapit ang buwan ng Setyembre.
Ayon sa Obispo, hindi kailanman hinikayat o sinuportahan ng Simbahan ang maagang pagsisimula ng pasko sa bansa na taliwas sa Liturgical calendar ng Simbahang Katolika.
“Ewan kung saan nagmula ‘yung idea na ang pasko ay nagsisimula na basta dumapo na sa month na may ‘Ber’ – September, October, November, December – apat na buwan kang magpapasko. Talagang hindi siya tama and it has nothing to do with the Liturgical calendar of the Catholic Church. [Kahit kailanan] hindi nag-encourage ang Simbahang Katolika na simulan ang pagdiriwang ng pasko sa September dahil ang pasko, it’s not even the whole of December.” Ang bahagi ng pahayag ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa Radio Veritas.
Paliwanag ng Obispo, bago pa man ang pagdiriwang ng pasko tuwing buwan ng Disyembre ay may ginugunita pang panahon ng Adbiyento na apat na linggong paghahanda sa araw ng pagsilang ng Anak ng Diyos na si Hesus.
Pagbabahagi ni Bishop David, ang ‘commercialization’ ang maituturing na dahilan sa nakasanayang maagang pagsisimula ng pagdiriwang ng pasko sa bansa upang masulit o masamantala ng mga mamumuhunan ang pangungumersyo sa bawat isa.
Iginiit ng Obispo na hindi isang ‘commercial celebration’ ang Araw ng Pasko na nakasisira hindi lamang sa liturgical season ng Simbahan kundi sa tunay na kahulugan at mensaheng hatid ng Araw ng Pasko ng Pagsilang ni Hesus upang isakatuparan ang pangakong kaligtasan ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsisilbing tagapagligtas ng sangkatauhan mula sa kasalanan.
“Strictly speaking tayo in December may adbiyento pa ‘yan diba tapos mamaya meron tayong nobenaryo in preparation for Christmas, pero sinisira mo yung liturgical season and the only reason for it is commercialization, huwag tayong bibigay sa pangungumersyo ng tao sa pasko, pinapasulit nila yung pangungumersyo nila ng pasko at hindi yun tama. Hindi isang commercial celebration ang pasko, ilagay natin sa tamang lugar parang wala na sa mga lugar ang mga bagay bagay.” Dagdag pa ng Obispo.
Ang apat na linggo sa panahon ng Adbiyento ay sumisimbolo sa panahon ng paghihintay ng mga Kristiyanong Katoliko sa kapanganakan ni Hesus na isang makahulugang paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko o pagsilang ng Anak ng Diyos na may hatid na pag-asa, pag-ibig at kapayapaan sa sangkatauhan.