384 total views
Pagpapabakuna, pagpapakita ng pagmamahal at pagmamalasakit sa kapwa.
Ito’y ayon kay Catholic Bishop’s Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity chairman-elect at Tarlac Bishop Enrique Macaraeg kaugnay sa patuloy na panawagan ng simbahan sa publiko na magpabakuna laban sa coronavirus disease.
Paliwanag ni Bishop Macaraeg, ang pagpapabakuna ang naaangkop na misyong dapat na tupdin ng bawat mamamayan ngayong panahon ng pandemya upang unti-unti nang mabawasan ang pangambang idinudulot ng COVID-19 sa lipunan.
“Ang pagpapabakuna, bilang pagpapakita ng pagmamahal at malasakit sa kapwa ay isang pamamaraan na angkop gawin ng bawat mananampalataya sa pagkakataong ito. Malaki ang maitutulong ng bakuna sa atin kung kaya maialis nawa natin ang agam-agam lalo pa at tumataas ang bilang ng mga nahahawa ng COVID virus,” bahagi ng mensahe ni Bishop Macaraeg sa Radio Veritas.
Dagdag pa ng Obispo na sa pagpapabakuna ngayon nakasalalay ang kaligtasan ng buhay ng bawat mamamayan, gayundin ang maibalik ang sigla ng bawat isa upang muling makapamuhay nang malaya at walang iniisip na banta ng panganib.
Hinihimok naman ni Bishop Macaraeg ang sambayanang Filipino na mas maging aktibo pa sa paghikayat sa kapwa na magpabakuna at ipalaganap ang magandang epekto nito sa katawan ng tao nang sa gayon ay tuluyan nang makamtan ng bansa ang inaasam na kaligtasan laban sa COVID-19 pandemic.
“Kaya naman, tayo ay lalong maging aktibo sa paghihikayat na magpabakuna at dito natin simulan ang pagbangon para sa isang ligtas na tahanan ng Diyos, ang kanyang bayan, ang kanyang sanilikha,” ayon kay Bishop Macaraeg.
Batay sa tala ng Department of Health, umabot na sa mahigit 34-milyon ang kabuuang bilang ng mga naipamahaging COVID-19 vaccines sa buong bansa.
Sa nasabing bilang, higit sa 20-milyong mamamayan ang nakatanggap na ng unang dose habang nasa higit 14-milyon naman ang natanggap na ang ikalawang dose at kumpleto na sa bakuna.