1,546 total views
Kapanalig, hinahamon tayo ng ating panahon ngayon na maging matapang sa gitna ng krisis ng pandemya at ang bunsod nitong krisis ng kahirapan. Marami sa atin ang nakakaranas na ng kawalan ng pag-asa dahil sa kawalan ng trabaho sa ngayon, at sa maliit na posibilidad na magkaroon ng disenteng trabaho sa nalalapit na hinaharap. Ayon nga datos ng United Nations, ang pandemya ay nagdulot ng kawalan ng mga 255 milyong full-time jobs sa buong mundo.
Sa Pilipinas, kapanalig, kahit pa nawalan ng trabaho ang marami, may isang phenomenon ang nagpapakita ng katapangan ng mga Filipino – ito ay ang pagdami ng mga manggagawa na nakibaka sa impormal sektor. Dumami ang online sellers kapanalig, at ang mga self-employed. Dumiskarte ang marami nating mga kababayan para makabangon.
Dapat suportahan ng lipunan at ng pamahalaan ang katapangan at tibay ng loob ng ating mga kababayan na lumalaban kahit na hirap. Ang pagsapi sa impormal na sektor o pagiging self-employed ay hindi pa rin stable o matatag – no work, no pay ito at walang proteksyon, wala pang benepisyo. Pero sa panahon ngayon, ito ang akmang paraan para sa marami upang mabuhay ng disente. Pero, naapektuhan din ng pandemya ang mahigit kumulang 1.6 bilyong informal sector workers sa buong mundo. Kaya’t napaka-importante ng suporta ng pamahalaan sa kanila.
Unang-una na maari nating gawin ay tulungan ang impormal na ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapalakas ng access hindi lamang sa financing, kundi sa access sa kalusugan at edukasyon. Hindi natin pwede ihiwalay ang kalusugan at skills-building sa trabaho. Ang mga ito ay pangunahing sangkap sa maayos, disente, at sustainable na trabaho.
Kailangan din nating maisayos at suportahan ang pagpapatupad ng health protocols sa hanay ng mga self-employed. Kadalasan, naiiwanan silang mag-isa sa pagpapatupad ng health protocols sa kanilang mga pwesto. Makakabuti sana kung mayroon tayong mga maituturong praktikal na tips upang sila mismo ay epektibong makapag-disinfect ng kanilang pwesto at produkto.
Kapanalig, pihadong mas dadami pa ang ating mga kababayan na sasapi sa impormal na sektor, lalo ngayong darating na kapaskuhan. Marangal na kabuhayan ito na dapat sana nating matulungan. Ayon nga sa Rerum Novarum, the preservation of life is the bounden duty of one and all, and to be wanting therein is a crime. It necessarily follows that each one has a natural right to procure what is required in order to live, and the poor can procure that in no other way than by what they can earn through their work. Hangga’t hirap ang ekonomiya ng ating bansa sa paglikha ng trabaho, ang impormal na sektor ang magiging takbuhan ng marami upang mabuhay sa panahon ng pandemya. Kaya’t sana, mabigyang atensyon ang mga pangangailangan nito.
Sumainyo ang Katotohanan