602 total views
Ang mga botante ay maituturing na daluyan ng otoridad mula sa kamay ng Panginoon patungo sa kamay ng mga halal na opisyal ng bayan.
Ito ang binigyang diin ni Rev. Fr. Nolan Que, Chairperson ng National Christian Formation Commission (NCFC) ng Catholic Educational Association in the Philippines (CEAP) kaugnay sa kahalagahan ng boto ng bawat mamamayan tuwing sasapit ang halalan sa bansa.
Ayon sa Pari, magiging ganap at makabuluhan lamang ang pagiging daluyan ng bawat isa sa banal na otoridad mula sa Panginoon sa pamamagitan ng One Godly Vote o pagiging isang matalino at mapanuring botante na kikilatis sa mga katangian, kakayahan at integridad ng mga kandidato batay ikabubuti at sa ninanais ng Diyos para sa kanyang bayan.
“Naniniwala kami na ang mga botante ay ang instrument kung saan dumadaloy ang otoridad mula sa kamay ng Diyos patungo sa kamay ng ating mga ihahalal na pinuno. Ang paglipat ng banal na otoridad na ito upang mamuno ay ipinapakita sa pamamagitan ng pagboto.” Ang bahagi ng pahayag ni Rev. Fr. Nolan Que kaugnay sa kahalagahan ng One Godly Vote.
Pagbabahagi ng Pari, kaakibat ng pagiging daluyan ng banal na otoridad mula sa kamay ng Panginoon patungo sa kamay ng mga halal na opisyal ng bayan ang pagpaparehistro ng sambayanang Pilipino para sa pambansang halalan sa susunod na taong 2022.
Paliwanag ni Fr. Que, dapat na magkaisa sa sambayanang Pilipino sa pagkilatis at pagtiyak na ang mga ihahalal na opisyal ng bayan ay tunay na pinili ng Banal na Espiritu na mamumuno ng tapat at matuwid sa bansa lalo’t higit para sa kapakanan at kabutihan ng bawat mamamayan at kinabukasan ng bayan.
“Nararapat lamang kung gayon na dapat magparehistro ang sambayanang Pilipino para sa darating na pambansang halalan ng 2022 upang matiyak na ang mga pinuno na ihahalal ay pinili ng Banal na Espiritu na karapat-dapat na mamuno sa ating bansa.” Dagdag pa ni Fr. Que.
Sa kasalukuyan may nalalabi na lamang na mahigit 20 araw ang voters registration ng Commission on Elections kung saan muli na ring binuksan ng ahensya ang proseso ng pagpaparehistro sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine.
Sa kabila nito, tanging pagpapahaba lamang sa oras ng pagpapatala kada araw na mula alas-otso ng umaga hanggang alas-syete ng gabi ang pinalawig ng ahensya at hindi ang mismong deadline nito sa ika-30 ng Setyembre ng kasalukuyang taon.