165 total views
Mga Kapanalig, inanunsyo kamakailan ni Pangulong Duterte na pinayagan niya ang pagbubukas ng isang casino sa Boracay. Katwiran ng pangulo, kailangan natin ng pera upang matustusan daw ang mga programa ng gobyerno sa pagtugon sa pandemya. Ang casino na ito ay pagmamay-ari ng isang kumpanyang nakabase sa Macau sa China, at ang lokal na kasosyo nito ay nakabili ng lupa sa Boracay.
Ang anunsyong ito ay ikinagulat ng maraming taga-Boracay at ng Boracay Inter-Agency Task Force na tila hindi nakonsulta sa desisyong ito. Isang malaking alalahanin nila ay ang pagdagsa ng mga tao, hindi lang ng mga turista kundi ng mga maglalaro sa casino sa gitna ng isang pandemya. Mas nagulat at mas tutol ang mga nakatira sa isla. Nangangamba silang ang ginawang rehabilitasyon sa Boracay ay masasayang lamang at mauuwi na naman sa pagsasalaula ng kapaligiran.
Isa pang dahilan sa pagtutol sa pagbubukas ng casino ay ang napabalitang kahinaan ng ating mga ahensiyang pangkalusugan na gastusin o gamitin ang mga pondong naitalaga na para sa pagtugon sa pandemya. Ito ay isa lamang sa mga naging obserbasyon ng Commission on Audit (o COA) kung kaya may mga pagdinig na ginagawa ngayon sa Senado ukol dito. Lumalabas na hindi naman kakulangan ng pondo ang problema natin, kundi ang kakulangan ng kapasidad na gamitin ito sa wastong paraan. Samakatuwid, hindi natin kailangan ng mga casino kung pondo rin lang ang sinasabing dahilan.
Ang tanong naman ng mga naninirahan at mga maliliit na negosyante sa isla: bakit hindi ang pagpapabilis ng pagbabakuna ang pagtuunan ng gobyerno upang mabuhay muli ang turismo at ekonomiya ng isla? Kailangan din daw protektahan ang mga lokal na mga komunidad mula sa pangangamkam ng mga lupain sa isla ng mga malalaking negosyo, kabilang na ang pasugalang sinasabing pinayagang magbukas. Ang mga katutubo sa isla at naninirahan doon ay higit na may pangmatagalang interes at malasakit sa kabutihan ng kanilang lugar kumpara sa mga dayuhang nagnenegosyo lamang doon upang kumita.
Sa usaping ito, tila hindi na naman napakikinggan ang mga taong higit na apektado ng mga desisyong ginagawa ng gobyerno. Ang pagkiling ng gobyerno sa mga namumuhunang banyaga at malalaking mga negosyante laban sa interes ng mga komunidad, mga katutubo, at maliliit na mga negosyanteng Pilipino ay hindi lamang taliwas sa prinsipyo ng mabuting pamamahala, o good governance, kundi taliwas din sa katuruan ng ating Simbahan. Wika nga ni Pope John Paul II, ang pangangailangan ng mga mahihirap ay dapat mauna sa mga pagnanasa ng mga mayayaman.
Kung susundin ang turo ng ating Simbahan, kailangang magpakita ang gobyerno ng pagkiling sa kapakanan ng mga maliliit na tao, yaong hindi kayang makipagkumpetensiya sa mga may-ari ng malalaking negosyong may koneksyon sa mga pulitiko o sa mga nanunungkulan sa gobyerno. Nakita natin ito kay Kristo mismo. Ipinaliwanag niya ang kanyang misyon sa ganitong pagsasalarawan sa Lucas 4:18: “Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin, sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila ay lalaya, at sa mga bulag na sila ay makakakita. Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi.” Ang pagkiling na ito ay hindi dahil may pagtatangi ang pag-ibig ni Hesus sa iba’t ibang tao kundi dahil may mga taong higit ang pangangailangan ng Kanyang pagkalinga.
Mga Kapanalig, sa ating mga kinakaharap na mga pagsubok at usapin sa ating bayan at mga pamayanan, may mga taong higit na nangangailangan ng pagkalinga ng pamahalaan. Sila ang dapat na pinakikinggan. Kung ang pag-unlad nila ang layunin ng mga programa ng pamahalaan, hindi ba’t dapat lamang na sila ang mas pinakikinggan?