375 total views
Tiniyak ng Valenzuela clergy ng Diyosesis ng Malolos ang patuloy na pananalangin para sa kaligtasan ng mamamayan sa pandemya at kaayusan ng mga namumuno ng bayan.
Ito ang pangunahing layunin ng bikaryato ng Valenzuela sa isinagawang mga awit at panalangin sa National Shrine of Our Lady of Fatima nitong September 8 sa pagdiriwang ng kaarawan ng Mahal na Birhen.
Ayon kay Fr. Howard John Tarrayo, parochial vicar ng pambansang dambana, buong pusong lumuhod sa panalangin at pag-alay ng awitin ang mga pastol ng simbahan para sa intensyon ng buong daigdig.
“Ang panalangin at pag awit sa Mahal na Birhen ay para sa intension ng buong mundo at pang hingi ng tulong sa Diyos upang magkaroon na ng wakas ang salot na pandemyang ito; sa pagdarasal nagkakaisa ang lahat, iisang diwa at iisang pananampalataya upang tayo ay sabay sabay na maka ahon sa hirap na ito,” pahayag ni Fr. Tarrayo sa Radio Veritas.
Ang gawain ay pagbibigay pugay din sa Mahal na Birhen bilang huwaran ng kababaang loob at paghahayag ng paggalang sa Ina ng manunubos.
Dalangin din ng mga pari ang kaliwanagan ng kaisipan ng mga namumuno sa bayan upang higit na maipatupad ang mga polisiya at programang kapaki-pakinabang sa mamamayan at makatutulong upang lutasin ang kasalukuyang suliranin bunsod ng pandemya.
“Kaalinsabay din dito ang pag-aalay ng panalangin para sa mga namumuno ng lipunan upang magkaroon ng linaw at paninidigan sa mga alituntunin at gawain upang magkaroon ng maayos na sistema sa paglaban sa sakit na ito,” ani Fr. Tarrayo.
Humigit kumulang sampung mga pari ang nagtipon sa National Shrine ng Fatima na naghandog ng mga panalangin at awitin para sa Mahal na Ina.
Ang bikarya ng Valenzuela ay binubuo ng 12 mga parokya at bahagi ng Diyosesis ng Malolos.
Umaasa ang pari na sa pamamagitan ni Maria ay maihatid ang bawat isa sa liwanag at landas ng kabanalan tungo sa kanyang na Anak na si Hesukristo.