373 total views
Naghahanda na ang Arkidiyosesis ng Tuguegarao, Cagayan sa posibleng pananalasa ng bagyong Kiko na inaasahang magiging super typhoon sa mga susunod na araw.
Ayon kay Fr. Andy Semana, social action director ng Arkidiyosesis, ngayon ay maayos pa ang lagay ng panahon sa Cagayan, ngunit magsasagawa na sila ng mga paghahanda bilang pag-iingat sa magiging epekto ng bagyo.
“I [will] seek audience with the Archbishop and together with the team to discuss… ‘yung mga gagawin… I will suggest naman ‘yung mga paghahanda na dapat kailangang gawin,” pahayag ni Fr. Semana sa panayam ng Radio Veritas.
Idinadalangin naman ni Fr. Semana na nawa’y hindi na magdulot nang matinding epekto ang bagyo, lalo’t higit na huwag nang maulit ang naganap na malawakang pagbaha sa lalawigan na lubos na nakaapekto sa pamumuhay ng mga residente.
Matatandaang noong Nobyembre 2020 ay nalubog sa malawakang pagbaha ang buong lalawigan ng Cagayan sanhi ng pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam bunsod ng pagtaas ng tubig dahil sa patuloy na pag-uulang dala ng Bagyong Ulysses.
Batay sa tala ng United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs, umabot sa mahigit 3.67-milyong residente ang naapektuhan ng pagbaha, kung saan 277-libong katao rito ang nawalan ng tahanan at nasa higit 70 naman ang mga nasawi.
Samantala, ayon naman sa PAGASA, huling namataan ang sentro ng Bagyong Kiko sa layong 670 kilometrong silangan ng Baler, Aurora.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging nasa 195 kilometro kada oras malapit sa sentro, pagbugso na aabot sa 240 km/h at kasalukuyang binabaybay ang direksyong pa-kanluran sa bilis na 20 km/h.