172 total views
Feed the people dying of hunger, because if you do not feed them you are killing them – ito ay mga kataga mula sa Gaudium et Spes. Ito ay mga katagang dapat nasa ating kaisipan lagi, lalo ngayong panahon ng taghirap sa ating bayan.
Kapanalig, bago pa man dumating ang COVID-19 pandemic, ang katiyakan sa pagkain ay isa na sa mga malulubhang problema ng bayan. Ayon nga sa isang report mula sa Food and Agriculture Association of the United Nations (FAO), 59 milyong Filipino na ang nakakaranas ng food insecurity mula 2017 hanggang 2019, ang pinakamataas sa buong Southeast Asia. Tumaas ito mula sa bilang na 44.9 million noong 2014-2016. Ang food insecure, kapanalig, ayon sa FAO, ay silang nakakaranas ng hindi kumain ng isa o higit o pang mga araw dahil sa kawalan ng pera o iba pang resources.
Ang bilang na ito, kapanalig, ay pihadong umakyat pa dahil sa hirap ng buhay dala ng pandemya. Ano ba ang dapat gawin ng bayan upang masolusyunan ito?
Unang-una, kapanalig, dapat isaayos ng pamahalaan ang prayoridad nito. Hanggang ngayon na patapos na ang termino ng administrasyon, tila misplaced pa rin ang atensyon nito. Dahil sa maling mga prayoridad, tila may leadership vacuum ang bayan. Wala na tayong marinig kundi korupsyon ngayon, droga at red-tagging noon. Puro komprontasyon pero walang direksyon. Hanggang ngayon, kung titingnan natin ang tugon sa pandemya, ganito pa rin. Pabago bago ng desisyon, at nakakalito ang mga instruksyon.
Kailangan din bigyan ng atensyon ng pamahalaan ang rural development gaya ng pagbibigay atensyon nito sa promosyon ng Build, Build, Build. Mahigit sa kalahati ng ating populasyon ang nakatira sa mga kanayunan o probinsya, at marami sa kanila ay maralita. Nasa 24.5% ang poverty incidence ng mga indibidwal na nakatira sa mga rural areas.
Agrikultura ang kanilang pangunahing kabuhayan, at kadalasan, dito lang sila umaasa. Kaya lamang, ang sector ng agrikuktura ay laging hikahos sa bansa. Sa katunayan, ang mga magsasaka at mga mangingisda ang consistent sa listahan ng mga pinakamamahirap na grupo sa bayan. Ang poverty incidence sa kanilang hanay ay laging mataaas. Sa mangingisda, nasa 26.2% ang poverty incidence. Sa hanay ng mga magsasaka, 31.6%.
Kapanalig, para sa mga bansang gaya natin na nagpupumilit umusbong, kahirapan ang laging unang kaaway. Kaya’t ito dapat ang una sa ating mga prayoridad. Kapag hindi natin inatupag ang problema ng kahirapan, lalala ito lalo. Mas dadami ang mahirap at mas mahirap ang pagbangon lalo’t pa’t ang bansa natin ay bulnerable sa mga natural na sakuna.
Ang katiyakan sa pagkain ay ating makakamit kung maayos ang tugon ng pamahalaan sa problema ng kahirapan bansa. Ang suporta sa rural at agricultural sector ay mahalaga dito, dahil ang malaking bilang ng maralita ay sakop nito. Sa kanilang hanay din nanggagaling ang malaking porsyento ng food supply ng bayan. At pagdating sa food supply, makikita natin ang ugnayan ng bawat isa – kapag may naghihirap sa ating lipunan, lahat tayo ay nakataya.
Kapanalig, ang pangangalaga sa kapakanan ng maralita ay daan tungo sa katiyakan sa pagkain ng lahat. Ang pagdadamot ng kalinga sa maralita ay pagdadamot sa buong lipunan. Hindi makatarungan na gutom ang magsasaka at mangingisda, na siyang nagtitiyak ng pagkain sa ating bansa.
Sumainyo ang Katotohanan.