427 total views
Inihayag ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na malaki ang gampanin ng mga magulang sa paghubog ng kanilang mga anak sa turo ng simbahan.
Ayon kay Cagayan De Oro Archbishop Jose Cabantan, chairman ng CBCP-Basic Ecclessial Community (BEC) malaking hamon ang karanasan ng pandemya sa larangan ng katesismo lalo na sa kabataan.
Iginiit ng arsobispo na bago pa ang pandemya ay kulang ang panahon ng katesismo lalo sa pampublikong paaralan na gampanin ng mga magulang na ituro sa mga anak ang aral ng simbahan.
“Mas maganda kung ang mga magulang ang unang katekista sa mga kabataan; malaki ang papel ng mga magulang at ng BEC para matutukan ang wastong paghubog sa kabataan ng ating pananampalataya,” pahayag ni Archbishop Cabantan sa panayam ng Radio Veritas.
Binigyang diin ni Archbishop Cabantan ang kahalagahan ng BEC sa pagsusulong ng katesismo sa pangkabuuang mamamayan lalo’t limitado lamang ang makadadalo sa mga misa.
“May online masses tayo pero may mga lugar na walang internet, so hindi sila nakakapagsimba, isa rin ito sa dahilan na nahahadlangan ang katesismo,” ani ng arsobispo.
Dahil dito may ilang lugar sa bansa na naglunsad ng mga chapel-based catechism at mas hinimok ang mga BEC na maging aktibong katuwang sa mga katekista sa pagtuturo upang higit na mapagyabong ang pananampalataya ng mga kabataan.
Sa isinagawang survey ng National Catechetical Studies at Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Catechesis nasa humigit kumulang 50, 000 lamang ang mga katekista sa buong bansa na karamihan ay kababaihan o wala pang isang porsyento para sa 80 milyong katoliko sa bansa.
Pinaiigting ng CBCP-BEC ang mga programa sa mga munting pamayanan at hinasa ang mga kasapi nito upang higit na maipalaganap ang turo ng simbahan lalo ngayong ipinagdiwang ng bansa ang ikalimang sentenaryo ng kristiyanismo kung saan hamon sa bawat isa ang pagmimisyon.
“Ang palagiang pagdalo sa mga gawain ng BEC tulad ng prayer session at iba pa ay isang paraan namaipakita ang buhay na katesismong nais makamit sa pagpapayabong ng pananampalataya,” giit ni Archbishop Cabantan.