345 total views
Pinangunahan ni Diocese of Kalookan Bishop Pablo Virgilio David – incoming president ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang unang serye ng novena mass ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) bilang paghahanda sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.
Sa pamamagitan ng isang online mass ay ibinahagi ng Obispo ang mahahalagang katangian na dapat na taglayin hindi lamang ng mga kandidato kundi maging ng mga botante para sa nakatakdang 2022 National and Local Elections.
Kabilang sa mga partikular na tinukoy ni Bishop David ang pagiging maka-Diyos, maka-tao, maka-bayan at makakalikasan ng bawat isa lalo na ang mga Kristiyano’t Katoliko.
“The Parish Pastoral Council for Responsible Voting is launching this Prayer Power Campaign to promote some very basic values especially in preparing for the 2022 election and what values are we talking about – maka-Diyos, maka-tao, maka-bayan at makakalikasan.” pagninilay ni Bishop David
Pagbabahagi ng Obispo, ang pagiging Kristiyano ay hindi nangangahulugan ng basta pagtanggap sa mga nagaganap sa kanyang paligid sa halip ay ang paglaban at paninindigan laban sa mga maling nagaganap na dulot ng kasamaan.
Paliwanag ni Bishop David, ang kasamaan na dulot ng kadiliman ang dapat na sama-samang pagwagian ng mga mananampalataya sapagkat ito ang nag-uudyok at nagdudulot ng kasamaan sa ilang mga indibidwal.
“Christianity is not about accepting but resisting evil consistently, ang kalaban natin is evil not people, evil at work in people.” Dagdag pa ni Bishop David.
Tinagurian ang serye ng novena masses na gagawain sa loob ng siyam na buwan na PPCRV Prayer Power Campaign 2022 na nagsimula noong ika-9 ng Setyembre, 2021 at magtatapos mismong araw ng halalan sa ika-9 ng Mayo, 2022.
Layunin ng gawain na ipanalangin at hingin ang paggabay ng Panginoon sa matalinong pagboto ng bawat mamamayang Pilipino sa nakatakdang 2022 National and Local Elections para sa kinabukasan ng bansa.