203 total views
Ang kapakanan ng mga persons with disabilities (PWDs) ay kadalasan nating nakakaligtaan, may suliranin man ang bansa o wala. Ngayong panahon ng pandemya, mas madalas na natin silang makalimutan.
Kapanalig, ang mga PWDS ay maraming kinahaharap na hadlang sa kanilang makahulugang pakikilahok sa lipunan na maaring magtulak sa kanila sa kahirapan. Ang isa sa pinaka-obivous o matingkad ay ang kakulangan ng access at pasilidad para sa mga PWDs sa mga lansangan, transport system, at mga gusali ng bayan.
Maaring simpleng isyu lamang ito sa atin, pero sa PWDs, kapanalig, malaking dagok ito sa kanilang buhay. Ang kawalan ng maayos na access sa mga imprastraktura ng bayan ay katumbas na ng kawalan ng access sa edukasyon, trabaho, at paglilibang para sa PWDs. Ang lahat ng ito ay kailangan natin upang mabuhay ng disente at marangal. Abot kamay ito para sa karamihan, pero sa mga PWDs, maaring pangarap na lamang ito.
Tinatayang umaabot ng mahigit pa sa 1.44 milyon ang mga PWDs sa bansa base sa 2010 Census. Pero ayon sa 2016 data ng Philippine Statistics Authority (PSA), maaring magkaroon ng disability ang kahit sinong indibidwal. Ayon nga sa 2016 data nito, mga 12% ng mga Filipino edad 15 pataas ay nakaranas ng severe disability, halos isa sa dalawang Filipino ang nakaranas ng moderate disability, at 23% naman ang may mild disability. Maliban pa dito, isa sa tatlo o 32% ng ating mga seniors ay may severe disability.
Kung ating kakaligtaan ang kapakanan ng PWDs, malaking bahagi ng ating lipunan ang mawawaglit. Lalo ngayong pandemya, mas kailangan nila ang ating tulong dahil mas malaki ang impact nito sa kanilang hanay. Isipin mo na lang kapanalig, ang sitwasyon ng PWD na breadwinner ng isang pamilya. Sa lahat ng mobility restrictions na kinaharap natin ngayon, pihadong mas malala ang epekto nito sa PWDs. Paano na sila at ang kanilang pamilya? Isa-isip din natin na marami sa mga PWDs ang may underlying conditions. Kung hindi natin titingnan ang kanilang sitwasyon, ano na lang mangyayari sa kanilang kalusugan?
Kapanalig, kailangan laging inklusibo ang ating pagbangon at pagsulong sa kaunlaran. Hindi nararapat na may kahit isa nating kapwa na naiiwan. Ang disability o kapansanan ay hindi rason para sa kawalan ng access sa mga serbisyong panlipunan o kawalan ng karapatan ng mga mamamayan. Ayon nga sa Populorum Progressio, ang mahihirap, kasama na dito ang mga PWDs, ay hindi dapat natin ituring na pabigat sa lipunan. Ang kanilang pagsulong ay pagsulong din ng buong sangkatauhan.
Sumainyo ang Katotohanan.