304 total views
Muling nanawagan ng tulong at panalangin ang Diyosesis ng Borongan sa Eastern Samar mula sa iniwang pinsala ng nagdaang Bagyong Jolina.
Ayon kay Borongan Social Action Director Fr. James Abella, nasa 10 bayan ang nakaranas ng hagupit ng bagyo, kung saan umabot sa mahigit 26,000 pamilya ang lubos na naapektuhan at higit sa 3000 naman ang mga nagsilikas.
Dagdag ng pari na karamihan din sa mga napinsala ng nagdaang sakuna ay ang mga simbahan, kumbento at mga paaralan.
“10 towns were heavily affected. 26,718 families were affected. 3289 evacuees. Some churches, convents, chapels, schools, and private houses were damaged,” pahayag ni Fr. Abella sa Radio Veritas.
Samantala, humihiling naman ng suporta si Fr. Abella para sa mga higit na naapektuhan ng bagyo na ang kinakailangan ay mga pagkain at materyales para sa mga nasirang tahanan.
“I would like to ask for support for the victims. Food packs and house materials,” ayon kay Fr. Abella.
Batay sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 14-katao ang mga nasawi at pitong katao naman ang nawawala pa bunsod ng Bagyong Jolina.
Sa kasalukuyan, nasa 28,400 pamilya o 109,680 indibidwal ang kabuuang bilang ng mga naapektuhan ng nagdaang bagyo.
Hinikayat naman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang publiko na ipagdasal ang mga nasalanta ng bagyong Jolina.