5,206 total views
Pangungunahan ni Archdiocese of Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang “mass for frontliners”.
Ang “mass for frontliners” ay alay ng Simbahang Katolika sa mga healthcare worker o medical frontliners na itinuturing na national heroes o pambansang bayani sa gitna ng nararanasang COVID 19 pandemic hindi lamang sa Pilipinas kung hindi maging sa buong mundo.
Isasagawa ang mass for frontliners sa San Felipe Neri Parish, Mandaluyong city sa ika-15 ng Setyembre 2021 dakong alas-nuebe(9AM) ng umaga sa pangunguna ni Cardinal Advincula at Rev. Fr. Hans Magdurulang, kura-paroko ng parokya.
Ang mass for medical frontliners ay pagkilala at pagbibigay halaga sa mga health worker na itinataya sa panganib ang buhay para bigyang lunas at iligtas ang mga nahawaan ng corona virus disease.
Itinuturing man na mga bayani sa gitna ng pandemya, ay hindi naman binibigyan ng kasalukuyang administrasyon ng halaga at napabayaan ang kapakanan ng mga unang lumalaban para matugunan ang pandaigdigang krisis pangkalusugan.
Nakapaloob sa Bayanihan 1, 2 law at Administrative Order 36 ng Pangulong Rodrigo Duterte na ang lahat ng pribado at pampublikong healthcare workers na tumutugon upang mapigil ang laganap na transmission ng COVID 19 ay makakatanggap ng Special Risks Allowance.
Ipinatupad ang S-R-A noong ika-17 ng Marso 2020, ngunit sa kasalukuyan ay hindi pa rin naipagkaloob ng pamahalaan sa mga healthcare worker ang ipinangakong benepisyo.
Sa paggunita ng bansa ng National Heroes day noong August 28, 2021 ay kinilala at binigyang pugay ni Cardinal Advincula ang hindi matatawarang sakripisyo at pagtataya ng buhay ng mga healthcare workers upang sagipin ang mga nagkasakit ng COVID 19.
“Sa panahong ito ng pandemya, itinuturing din nating bayani ang mga frontliners, lalo na ang mga medical workers. Sa ating paglaban sa Covid-19 virus, sila ay tunay na mga bayani. Ang buong bayan ay nagpapasalamat sa inyo,” pahayag ni Cardinal Advincula sa panayam ng Radio Veritas.
Live na mapapakinggan ang “mass for frontliners sa Radio Veritas846AM at mapapanood sa Veritas Facebook at Youtube channel, Archdiocese of Manila – Office of Communication, at TV Maria.