371 total views
Nagpaabot ng suporta at pakikiisa ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Youth sa mga kabataan, mga magulang at mga guro para sa unang araw ng pasukan sa pampublikong paaralan ngayong ika-13 ng Setyembre, 2021.
Ayon kay Daet Bishop Rex Andrew Alarcon – chairman ng kumisyon, mahalaga ang patuloy na pagkakaroon ng tapang at determinasyon ng bawat isa sa kabila ng banta ng pandemya.
Iginiit ng Obispo
na mahalaga ang edukasyon na pagsasanay at pagpapalawak hindi lamang ng kaalaman at karanasan kundi maging ng puso at pagkatao ng bawat isa.
“Sa ating mga teachers, mga magulang at mga estudyante medyo difficult talaga ang situation niyo given the pandemic at saka maraming limitations pero with taking courage and do what’s in their capacity to resume learning [they will overcome the difficulty] because education is a very important, it’s not only important it’s a necessary pa because it’s a training of the mind, the heart and the whole person…” pahayag ni Bishop Alarcon sa panayam sa Radio Veritas.
Binigyang diin rin ng Obispo na sa kabila ng mahirap na sitwasyon sa bansa ay hindi maaaring ganap na ipapaliban ang proseso ng edukasyon dahil na rin sa kahalagahan nito sa buhay ng bawat isa.
Pagbabahagi ni Bishop Alarcon, bagamat sadyang imposible na muling maibalik sa nakagawiang paraan ng pagtuturo at pag-aaral ay importante na pagsumikapan ng bawat isa na patuloy na maisulong ang proseso ng pagtuturo at pagkatuto ng mga kabataan.
Giit ng Obispo, kabilang sa mahalagang matutunan ng mga kabataan sa kasalukuyan ay kung paano maka-survive o malagpasan ang anumang hamon sa buhay tulad na lamang na malawakang krisis pangkalusugan.
“In whatever circumstance we should not postponed learning and we cannot, pero syempre ibang iba kasi yung sitwasyon in other words we may not keep everything in the same mode, manner as pre-pandemic time but to learn, to resume, to continue the process of learning is something for me we must do, and in fact in a situation like ours kailangan nating turuan ang mga kabataan pati na ang ating mga sarili on how to survive…” Dagdag pa ni Bishop Alarcon.
Batay sa tala ng Department of Education (DepEd), umabot sa 21,034,472 ang kabuuang bilang ng mga estudyante na nakapag-enroll na sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa bansa para sa School Year 2021-2022.