346 total views
Binigyang diin ng pinunong pastol ng Archdiocese of Nueva Segovia na dapat hindi manaig ang takot ng mga pastol ng simbahan sa patuloy na pagtupad ng misyon sa lipunan.
Ito ang mensahe ni Archbishop Marlo Peralta kasunod ng tumataas na kaso ng mga nahawaan ng coronavirus sa lipunan.
Paalala ng arsobispo sa mga kapwa pastol na alalahanin ang mensahe ni Hesus sa bawat isa na huwag matakot sapagkat ito ay kasama sa paglalakbay at pagharap sa anumang hamon ng buhay.
“As priests, while we are also afraid of the COVID virus, let us not allow our fears to paralyze us into action, forgetting the people who need us, especially during these times,” bahagi ng liham sirkular ni Archbishop Peralta.
Hamon ng arsobispo sa mga pari ang pagiging malikhain sa paggawa ng mga hakbang upang maipagpatuloy ang pagtupad sa misyong ibahagi ang mabuting balita sa pamayanan.
Iginiit nitong higit na kailangan ng tao sa kasalukuyan ang Banal na Eukaristiya na magbibigay kalakasan hindi lamang sa pisikal kundi maging sa espiritwal na aspeto ng tao.
Mungkahi ni Archbishop Peralta na makipag-ugnayan ang simbahan sa lokal na pamahalaan at mga barangay upang makapagdaos ng banal na misa sa malalawak na lugar upang matiyak ang safety protocol ng mananampalataya tulad ng physical distancing.
“We need to use our creativity to find ways whereby we are able to continue to celebrate Mass in our barangays. Most of our mayors and barangay captains are Catholics. Let us appeal to their Christian conscience. There’s always room to haggle with them when we arrange for barangay mass,” ani ng arsobispo.
Tinukoy ni Archbishop Peralta ang mga covered courts na maaring pagdausan ng banal na misa na sapat ang espasyo para sa pag-aagwat ng bawat dadalo.
Binigyang diin din ni Archbishop Peralta ang kahalagahan ng paggawad ng sakramento ng pagpapahid ng banal na langis sa mga maysakit lalo na sa mga nahawaan ng COVID-19.
Makipag-ugnayan lamang ang pari sa mga medical frontliners sa pagtupad sa pinakamahigpit na panuntunan upang mapangalagaan ang sariling kalusugan sa pagpapahid ng langis sa mga COVID-10 patients.
“If these doctors and nurses continue to give health care to COVID patients, all the more reason for us priest to take care of their souls; let us take our cue from our doctors and nurses who despite their fears, continue to care for COVID patients,” dagdag ni Archbishop Peralta.
Sa kasalukuyang tala ng pamahalaang lokal ng Ilocos Sur na nasasakop ng Archdiocese ng Nueva Segovia halos tatlong libo ang active COVID cases sa lalawigan.
Tiniyak ni Archbishop Peralta ang patuloy na pagpapastol sa kawan ng arkidiyosesis sa gitna ng mapanganib na laban kontra COVID-19.