424 total views
Umapela ng tulong ang Prelatura ng Batanes dahil sa lubhang epekto ng bagyong Kiko sa lugar.
Ibinahagi ni Bishop Danilo Ulep na maraming kabahayan ang napinsala sa Batanes kabilang na ang mga simbahan.
“I am humbly appealing for assistance in behalf of our people. Several houses, especially those made of light materials were literally blown away,” bahagi ng apela ni Bishop Ulep.
Nasira din ng bagyo ang kombento ng Ivana Parish at St. Dominic College ang nag-iisang katolikong paaralan sa Batanes.
Matatandaang isinailalim ng PAGASA sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 4 ang Batanes makaraang lumakas ang bagyong Kiko na halos umabot sa super typhoon category.
Sa kabila ng kalamidad umaasa si Bishop Ulep na makababangon ang mga residente ng Batanes sa pamamagitan ng pagkalinga ng mamamayan sa pangangailangan.
“Despite this calamity, we remain undaunted. We are certain that we can recover from this disaster. With your support, we know that we can get back on our feet and move on with our life after this yet another trial,” ani Bishop Ulep.
Sa assessment ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) mahigit sa isang bilyong piso ang pinsala sa sektor ng agrikultura bunsod ng magkasunod na bagyong Jolina at Kiko.
Nasa 323 mga bahay naman ang nasira dahil sa malalakas na hangin sa pananalasa ng bagyong Kiko sa bansa.
Sa mga nais magpaabot ng tulong pinansyal sa Prelatura ng Batanes maaring magdeposito sa Landbank Basco branch sa account name: Prelature of Batanes, account number 1081-0502-08 o sa GCash account name Danilo Ulep 0917 578 0198.
Sa mga magpapaabot ng tulong maaring ipadala ang screenshot o transcation slip sa [email protected] o sa [email protected] para sa proper acknowledgment.