521 total views
Ang pakikisangkot sa pulitika ay maituturing din na isang bokasyon at tawag ng Panginoon.
Ito ang binigyang diin ni Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity kaugnay sa mahalagang partisipasyon ng bawat mamamayan partikular na ang mga binyagan at mga layko sa usaping pampulitika sa bansa.
Ayon sa Obispo ang pulitika ay isang paraan upang lalong makapagpamalas ng pagmamahal para sa kapwa at mas nakararami sa pamamagitan ng pagsusulong ng common good.
Paglilinaw ni Bishop Pabillo hindi pinagbabawalan ang mga Kristiyano na makisangkot sa sistema o usapin ng pulitika lalo na’t ang lahat ng grupo, samahan o organisasyon na mayroong pamumuno ay maituturing din na mayroong pulitika.
“Ang involvement sa politics ay isang tawag ng Diyos, isang bokasyon at ang pulitika ay isang paraan upang lalo tayong magmahal sa mas maraming tao that is through the common good, kaya tayong mga Kristiyano hindi tayo pinagbabawalan bagkus dapat pa tayong maging involve sa pulitika kasi hindi po natin maiiwasan ang pulitika, lahat ng grupo ay may pulitika kasi ang lahat ng grupo ay may pamumuno at yan po yung pulitika.” Ang bahagi ng pahayag ni Taytay Bishop Broderick Pabillo.
Ibinahagi ng Obispo na hindi dapat na personalin ng mga pulitiko ang mga puna at mga turo ng Simbahan sa paraan ng pamamahala at sistema ng pulitika sa bansa na nakabatay sa Ebanghelyo.
Giit ni Bishop Pabillo ang mga hindi sang-ayon o nasasaktan sa mga puna at posisyon ng Simbahan sa mga maling nagaganap sa pamamahala sa bansa.
“Huwag po nating personalin ang mga sinasabi dito [sa usapin ng pulitika] pinapahayag lang natin ang katuruan ng Ebanghelyo para sa ating involvement [sa pulitika] kung may matatamaan sorry nalang hindi naayon ang buhay nila sa panawagan ng Ebanghelyo.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Paliwanag ng Obispo, hindi lamang tuwing eleksyon kinakailangan ang pakikisangkot ng mga mamamayan sa usapin ng pulitika sa halip ay kinakailangan rin ang aktibong pagbabantay sa paraan ng pamumuno at pananagutan ng mga pulitiko sa bayan.
Ayon kay Bishop Pabillo, bago pa man ang halalan ay dapat na matuto na ang bawat botante na kumilatis sa mga pulitiko na nagnanais na mamamahala at mamumuno sa bansa.
“Pag-usapan natin lalo na sa atin na umiinit na ang pulitika kasi nauugnay natin ang pulitika sa eleksyon at malapit na ang eleksyon pero sana huwag nating tingnan ang pulitika kapag eleksyon lang kasi yan po ay kasama ng buhay natin, yung mga namumuno maayos ba yung pamumuno nila, paano ba sila mananagot sa mga tao yan po ang pinag-uusapan kaya paano ba ang involvement ng mga Kristiyano sa pulitika lalong lalo na sa panahon natin ngayon na naghahanda tayo sa eleksyon ng 2022,” Ayon pa kay Bishop Pabillo.
Ifiniit ni Bishop Pabillo na bilang katuwang ng mga lingkod ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos ay mahalaga ang papel na ginagampanan ng bawat layko upang isulong ang ganap na pagsasabuhay ng mga turo ng Panginoon sa mga usaping panlipunan.