391 total views
Ilulunsad ng Diyosesis ng Balanga sa Bataan ang bakuna bubble sa parokya upang makatulong mapabilis ang vaccination rollout ng lalawigan.
Ayon kay Bishop Ruperto Santos dalawang parokya sa Mariveles Bataan ang mauunang maglunsad sa programang ‘Magsimba, Magpabakuna, Maging Ligtas at Makapagligtas laban sa pandemya’.
Palalakasin ng programa ang information campaign sa pagbabakuna kontra COVID-19 upang mas mahikayat ang mamamayan na magpabakuna.
“This is an opportune time to catechize the parishioners about the necessity and the benefits of being vaccinated,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos.
Ayon sa anunsyo ng San Nicolas de Tolentino Parish sa Mariveles tuwing Sabado mula September 18 gagawin sa parokya ang ‘Pop-up Vaccination’ bilang pakikiisa at pagbibigay proteksyon sa mga nasasakupan sa labis na pinsala ng virus sa kalusugan ng tao.
Alas kuwatro ng hapon ang banal na misa na susundan naman ng pagbabakuna sa alas singko ng hapon.
Hinimok ng pamunuan ng San Nicolas de Tolentino ang mananampalataya kabilang na ang mga naglilingkod sa simbahan na hindi pa nabakunahan na tangkilikin ang programa para sa kanilang kaligtasan.
Bukod pa rito ang ilulunsad na vaccination tuwing Linggo mula September 26 sa Santa Gemma Galgani Parish sa Mountain View, Mariveles na may katulad na pamamaraan sa San Nicolas de Tolentino.
Ang nasabing programa ay sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Mariveles Bataan kung saan nakipag-ugnayan ang simbahan para makatulong mabawasan ang paglaganap ng COVID-19 sa lipunan.
Batay sa tala ng Bataan Provincial Health Office sa kabuuang mahigit 20 libong kaso ng coronavirus sa lalawigan halos apat na libo rito ang aktibong kaso.
Patuloy na hinikayat ni Bishop Santos ang mamamayan na magpabakuna upang mabawasan ang lubhang mapanganib na epekto ng virus sa kalusugan.