423 total views
Itinalaga ng Order of Saint Augustine Province of Santo Niño de Cebu si Fr. Jubanie Baller, OSA para maging bahagi sa Pontifical Sacristy.
Ito ay makaraang hilingin ni Prior General Alejandro Moral Anton, OSA sa Roma ang paglilingkod ng Filipinong misyonero sa Vatican.
Naghahanda na si Fr. Baller para sa panibagong misyon sa Roma mula September 19, 2021 kasama ang talong Agustinong misyonero mula Italy, India, at Congo.
Ang Pari na tubong Talisay, Cebu ay pumasok sa kongregasyon noong 2008 at naordinahang pari noong June 12, 2019.
Matapos ang ordinasyon, itinalaga si Fr. Baller bilang parochial vicar sa St. Augustine of Hippo Parish, Gubat, Sorsogon sa loob ng dalawang taon.
Pangunahing tungkulin ng komunidad sa Papal Sacristy ang paghahanda ng mga liturgical vestment at vessel sa mga Misa ni Pope Francis sa Vatican at sa Diocese ng Rome.
Unang itinalaga sa Order of Saint Augustine ang Pontifical Sacristy noong 14th century sa ilalim ng Office for the Liturgical Celebrations of the Supreme Pontiff na pinamumunuan ni Master of Pontifical Celebrations Bishop-elect Guido Marini.
Una nang nanilbihan sa Papal Sacristy ang Filipinong Agustino na si Fr. Nestro Bandalan, Jr. kung saan naglingkod ito sa mga Misa ng Santo Papa mula July 2014 hanggang December 2019.
Samantala, humiling ng panalangin ang mga Agustino para sa bagong misyon ni Fr. Baller sa Vatican na itinuring na malaking biyaya ng pagmimisyon lalo’t ipinagdiwang ng Pilipinas ang 500 Years of Christianity.