217 total views
Ang ilang linggong lockdown nuong simula ng pandemic ay nagbigay ng maikling panahon upang makahinga ang kalikasan. Hindi ba’t luminis ang hangin pati ilang katubigan noong tayong lahat ay nanatili sa ating mga kabahayan? Kaya lamang, noong unti unti ng lumabas ang mga mamamayan sa kanilang mga tahanan, ang kaunting pahinga na nakuha ng kalikasan ay biglaang binawi. Dahil sa pandemya, unti-unti na naman nating sinasakal sa basura ang ating kapaligiran.
Ang mga produktong mula sa plastic ang mga naging pangunahing sandata natin upang malabanan ang COVID 19. Ang ating mga masks, mga gloves, at mga bote ng alcohol at sanitizers – lahat yan ay mula sa plastic. Ang mga PPEs pati apron at iba pang disposable na gamit pang medical, lahat yan ay may plastic. Kadalasan, ang mga panangga nating ito ay single use lamang – pagkatapos gamitin, tapon agad. Tinatayang umaabot ng 1.6 million tonelada kada araw ang dami ng mga plastic wastes na nalilikha simula ng COVID 19 outbreak. Tinatayang 3.4 bilyong face masks din ang ang naitatapon kada araw dahil sa pandemya.
Ang ganitong kadaming basura ay hindi pa nangyayari sa ating kasaysayan. Habang tumatagal ang pandemya, mas lalong dumadami ito. Sa ating bansa, idagdag pa natin ang basura ng face shield. Kapanalig, habang rumagasa ang sakit, huwag na sana nating dagdagan pa ang problema ng bayan. Ang basurang ating pawardi-warding tinapon ay maaring magdulot ng sakit sa mga nangongolekta ng basura, sisira pa ito sa ating mundo sa kalaunan. Kailangan nating mapalaam sa mas maraming tao ang tamang pagtapon ng medical waste, at ang mga paraan upang hindi natin masikil pa ang kalikasan.
Isa sa mga dapat gawin natin sa ating kabahayan hanggang sa mga pampublikong lugar ay ang magsegregate ng basura mula sa source o pinanggagalingan nito. Ihiwalay natin, kapanalig, ang ating infectious waste at huwag itapon kung saan-saan. Ang mga basurang ito, bukod sa maaring makapanghawa, ay pumupunta sa ating mga daluyang tubig hanggang sa ating mga karagatan.
Kailangan din maisa-ayos ang ating waste disposal system. Hindi dapat itatambak lamang ang mga medical wastes ng walang naayong treatment. Mas malaking problema ang ating makukuha kung hindi marunong ang mga LGUs ng bayan maisa-ayos ang mga infectious at medical wastes. Lahat ng gagalaw nito sa mga landfills, gaya ng mga waste pickers o nangangalakal, ay maaring mahawa.
Kapanalig, sa ating Bibliya, mula pa lamang sa libro ng Genesis, sinabi na ng Panginoon na ang kalikasan ay para sa sangkatauhan. Hindi nilalayon ng Diyos na matambakan ng basura ang handog niyang biyaya na ito. Kaya’t hamon ng Populorum Progressio- Katungkulan ng tao na paunlarin ang kapaligiran, gamit ang kanilang talino at kamay.
Sumainyo ang Katotohanan.