370 total views
Umapela si Kalibo Bishop Jose Corazon Tala-oc sa pamahalaan na huwag pahintulutan ang pagtatayo ng mga pasugalan sa Boracay Island.
Sa liham ni Bishop Tala-oc iginiit nitong dapat pangalagaan ang isla na nagtataglay ng likas na kagandahang kaloob ng Diyos na kalikasan upang mapakinabangan ng mamamayan.
“Ako po ay umaapela sa Pangulo ng Republika na huwag niyang hayaan na maging pasugalan ang Isla ng Boracay,” apela ni Bishop Tala-oc.
Nanindigan ang obispo na hindi na kinakailangan ang casino sapagkat malaki ang ambag ng Boracay Island sa ekonomiya ng mamamayan at sa buong bansa.
“It offers a wider avenue for employment, good source of livelihood for our people and revenues for the government. There is so much that Boracay Island can offer because it is already a paradise,” giit ng obispo.
Batid ni Bishop Tala-oc na walang magandang maidudulot ang sugal sa tao kundi pagkahumaling sa bisyo at adiksyon sa tinaguriang ‘game of chance’.
Dagdag pa nito ang negatibong epekto sa pangkaisipan ng tao at maging ang pakikitungo nito sa komunidad sa pagkakataong malulong sa bisyo.
“It will slowly weaken and eventually destroy the moral fiber of the people,” dagdag pa ni Bishop Tala-oc.
Matatandaang nitong Agosto lamang ng alisin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang moratorium sa pagtatayo ng mga bagong casino sa bansa sa paniniwalang makatutulong ang kikitain dito para pondohan ang COVID-19 response ng gobyerno.
Sa nasabing kautusan ng pangulo nagbibigay ito ng pahintulot para maipagpatuloy ang pagtatayo sa 500 million-dollar integrated casino sa Boracay Island.
Dahil dito hinakayat ng obispo ang mga lingkod ng simbahan at maging sa mga lokal na opisyal ng Aklan na mariing tutulan ang binabalak na multi-million-peso casino sa Boracay.
“I also appeal to our leaders in the province not to allow Gambling Casino that will destroy our cherished land; I also call on all our priests in the Diocese of Kalibo, with our Parish Pastoral Councils, Lay Organizations, Movements, Associations and Societies to form discerning groups and say “No to Gambling Casino, No to Gambling in Boracay’, dagdag ni Bishop Tala-oc.
Paalala din ng obispo sa mamamayan na tungkulin ng bawat isang pangalagaan ang likas na yamang handog ng Panginoon sa isla ng Boracay na patuloy pinakikinabangan ng mga residente.
Una nang nanindigan si Ozamiz Archbishop Martin Jumoad laban sa pagtatayo ng mga pasugalan sa bansa sapagkat pinag-uugatan lamang ito ng katiwalian, korapsyon at kriminalidad sa lipunan.