167 total views
Muling pinaalalahanan ng Philippine General Hospital Chaplaincy ang publiko na magpabakuna laban sa coronavirus disease.
Ayon kay Jesuit priest Fr. Marlito Ocon, ang head chaplain ng PGH, ito ang paraan upang makatulong sa lahat na maiwasan ang patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19 sa lipunan.
Sang-ayon rin si Fr. Ocon sa sinabi ni PGH Spokesperson Dr. Jonas del Rosario na ang karamihan sa mga dinadala sa ospital at mga kritikal nang pasyente ay mga hindi pa nababakuhan laban sa COVID-19.
“Hindi ito pananakot! This is to help everyone make sense of the data, what it means when we say: ‘Majority of Adult COVID-19 admissions and critical patients are unvaccinated, lahat ng intubated ay unvaccinated’ (from Dr. Jonas del Rosario facebook post),” pagbabahagi ni Fr. Ocon.
Babala naman ng pari na mas makabubuting magpabakuna sa halip na magkaroon nang malalang sintomas ng COVID-19 na maaaring mahantong sa pagkaka-ospital.
Gayundin sabi ni Fr. Ocon na ito’y tulong na rin ng bawat isa para sa mga health workers na nahihirapan at napapagod nang malunasan ang nakakahawa at nakamamatay na sakit.
“Para sa mga natatakot sa bakuna, pag-isipan ninyo, anong mas nakakatakot, ang magpabakuna o [madala sa Emergency Room?]. At parang awa nyo na rin sa mga health workers na napapagod na, MAGPABAKUNA NA KAYO!” saad ng pari.
Iginiit din ng pari na huwag paniwalaan ang mga kumakalat na maling impormasyon tungkol sa bakuna at COVID-19 at sa halip ay mas paniwalaan ang mga doktor na mas may kaalaman sa pagbibigay lunas sa pandemya.
“Huwag maniniwala sa mga haka-haka, bali-balita na walang katotohanan. Maniwala tayo sa ating mga dalubhasang Doctor,” giit ni Fr. Ocon.
Batay sa huling tala ng Department of Health, umabot sa 20,336 ang panibagong kaso ng COVID-19 sa bansa at nasa 310 naman ang naitalang bagong bilang ng mga nasawi.
Samantala, naabot na rin ng bansa ang mahigit sa 40-milyong bilang ng mamamayang nakapagpabakuna laban sa COVID-19.
Sa nasabing bilang, nasa higit 17-milyon na ang kumpleto na sa dose ng bakuna habang nasa 22-milyon naman ang nakatanggap pa lamang ng unang dose.