325 total views
Inaanyayahan ng sangay ng pontifical foundation ng Vatican sa bansa na Aid to the Church in Need Philippines ang bawat mananampalataya na makibahagi sa MATER DOLOROSA: HOPE FOR THE PERSECUTED – An ACN Online Recollection Concert sa ika-18 ng Setyembre, 2021.
Ayon kay ACN Philippines National Director Jonathan Luciano, layunin ng nasabing gawain na hingin ang patnubay at gabay ng Mahal na Birheng Maria sa gitna ng iba’t ibang mga pagsubok at krisis na kinahaharap ng bawat isa ngayong panahon ng pandemya.
Paliwanag ni Luciano, mula noong nakalipas na taong 2020 ay patuloy pa rin ang malawak na epekto ng pandemya hindi lamang sa kalusugan at kabuhayan ng bawat mamamayan kundi maging sa buhay espiritwal dahil na rin sa mga limitasyon bilang pag-iingat sa virus.
Ibinahagi ni Luciano na itinakda ng ACN Philippines ang gawain bilang paggunita ng Feast of Our Lady of Sorrows bilang isang paalala sa bawat isa na tulad ng Mahal na Birheng Maria ay hindi rin dapat na mawalan ng pag-asa at pananampalataya ang bawat isa.
“Since 2020 we have been struck by many, many sorrows in our lives. This includes the negative impact of the virus on our health, its toll on our livelihoods, and its effect on our spirituality. Last year, our Marian concert was held in commemoration of the Assumption of the Blessed Virgin Mary as a reminder that in hoping and healing we will rise with our Mother. This year, however, we chose to commemorate the Feast of Our Lady of Sorrows, and we invite everyone to join us in this reflection. It is a message to the faithful that there remains hope and consolation despite broken hearts. Hope and faith remain despite heavy sorrows.” pahayag ni Luciano sa Radio Veritas.
Tampok sa MATER DOLOROSA: HOPE FOR THE PERSECUTED – An ACN Online Recollection Concert ang ilang pagtatanghal mula sa Bukas Palad Music Ministry, Lingayen-Dagupan Singing Priests, Felix Marvin Cajanding, Jose Maria Nicolas, JC Joya at Levites habang magbabahagi naman ng kanyang mga karanasan at pagpapatotoo si Ms. Iza Calzado.
Samantala, magsisilbi namang Recollection Master si Diocese of Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na siyang incoming president ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Ayon kay Bishop David, nawa ay makibahagi ang bawat isa sa gawain upang sama-samang mapagnilayan ang Mahal na Birheng Maria bilang Mater Dolorosa na siya ring imahen ng Inang Simbahan patuloy na kumakalinga sa kanyang mga anak.
“I invite you to reflect on Mary our Mater Dolorosa – Sorrowful Mother beneath the cross of her dying son. She’s also the image of the Church, the Mother who grieves as she looks at her children.” paanyaya ni Bishop David.
Nakatakda ang MATER DOLOROSA: HOPE FOR THE PERSECUTED – An ACN Online Recollection Concert sa ika-18 ng Setyembre, 2021 – Sabado ganap na alas-otso ng gabi na maaring masubaybayan sa pamamagitan ng live streaming ng gawain sa official Facebook page ng ACN – Aid to the Church in Need at ilang mga katuwang na organisasyon.