384 total views
Kinondena ng social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang marahas na sinapit ni Atty. Juan Macababbad na isang kilalang abogado sa South Cotabato na nagsusulong ng katarungang panlipunan lalo na para sa mga magsasaka at maralita.
Sa pamamagitan ng isang opisyal na pahayag ay tiniyak ni Caritas Philippines National Director Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ang pakikibahagi ng Caritas Philippines sa paghahanap ng katarungan hindi lamang para kay Atty. Macababbad kundi sa lahat ng mga pinaslang dahil sa pagtatanggol sa karapatan ng taumbayan at ng kalikasan.
Iginiit ng Obispo na kinakailangang mapanagot at maparusahan ang mga nasa likod ng serye ng karahasan sa bansa.
“Caritas Philippines joins the thousands in condemning this brutal act against life. We will work with everyone to seek justice for Atty. Juan Macababbad and all those who died defending the people and nature. We will push even harder for accountability especially of those in power.” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Ipinaliwanag ni Bishop Bagaforo na hindi sapat ang galit upang isalarawan ang nararamdaman lalo na ng mamamayan ng Mindanao kaugnay sa sinapit ni Atty. Macababbad.
Pagbabagi ng Obispo, isang malaking kawalan si Atty. Macababbad para sa mamamayan ng Mindanao lalo na para sa mga magsasaka, katutubo at mga maralita sa South Cotabato na naghahanap ng katarungan laban sa mga mapang-abusong land lords at malalaking korporasyon sa rehiyon.
Ayon kay Bishop Bagaforo, hindi matatawaran ang dedikasyon at pag-asa na naibabahagi ni Atty. Macababbad sa pagkakaloob ng kanyang libreng serbisyo para sa mga inaapi at inaabusong sektor sa rehiyon.
“Outrage is not enough to describe how we feel with the gruesome killing of Atty. Juan Macababbad, whom we have known as a champion of social justice. For many of us in Mindanao, his brutal killing puts us in deep sorrow – for Atty. Macababbad is no ordinary lawyer. He is whom we turn to when no lawyer will take the case of a farmer against the land lords and big corporations. His free legal services and compassion for the vulnerable are the pillars of hope for most of the indigenous peoples fighting against the tyranny even of state forces. The rural poor of the South takes courage in his presence.” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Umaasa ang Obispo na ang marahas na pagkamatay ni Atty. Macababbad ay hindi maging hadlang sa iba’t ibang organisasyon sa pagtulong sa mga nangangailangan upang makamit ang katarungan.
“His [Atty. Macababbad] savage death meant an indefinite delay for the poor’s access to justice, peace and freedom. But if his perpetrators think that with his death, all else is silenced and halted, they are dead wrong.” Ayon pa kay Bishop Bagaforo.
Tiniyak naman ng Obispo ang patuloy na pananalangin ng Simbahan para sa kapakanan at kaligtasan ng mga rights defender sa bansa gayundin ang pagkamit ng katarungan sa sinapit ng lahat ng mga napaslang dahil sa kanilang paninindigan para sa pagkakaroon ng patas na katarungang panlipunan.
Si Atty. Macababbad na mula sa South Cotabato ay una ng na-red-tagged na National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) at siya ring chairman ng Socsksargen chapter ng Union of People’s Lawyers in Mindanao (UPLM).
Batay sa tala ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) umaabot na sa 58 ang bilang ng mga abogado na napapaslang na hinihinalang may kaugnayan sa kanilang mga adbokasiya at paninindigan para sa katarungang panlipunan sa ilalim ng kasalukuyang administrasyong Duterte.