363 total views
Muling pinaalalahanan ni Novaliches Bishop Roberto Gaa ang publiko lalu na ang mga kabataan na magparehistro sa nalalabing araw ng voters registration ng Commission on Elections na magtatapos sa September 30.
Ayon sa obispo ito ay upang magampanan ang tungkulin at karapatan bilang mamamayan na ipakita ang ‘Boses ng Bayan’ sa pamamagitan ng pagboto.
“Lalo’t higit sa mga kabataan, tayo’y magrehistro para ang ating boses ay marinig. Ang ating pakikilahok ay maririnig at magiging bahagi sa democratic process. At dito natin maipapadama ang saloobin ay maririnig at mapapakinggan para sa ikabubuti hindi lamang ng ating sarili kundi ang ikabubuti ng bayan,“ ang bahagi ng pahayag ni Bishop Gaa sa panayam ng Ronda Veritas.
Inilunsad naman ng National Diocesan Youth Ministry ng Novaliches ang 15-days countdown sa pamamagitan ng facebook posters bilang pagpapaalala sa mga kabataan sa kahalagahan ng pagboto.
Naghahanda na rin ang kabataan ng diyosesis sa gaganaping ‘online’ voters education sa susunod na buwan bilang pakikiiisa bilang mga volunteers ng Parish Pastoral Council for REsponsible Voting hanggang sa araw ng halalan sa Mayo 2022.
Una na ring inilunsad ng Radio Veritas at Archdiocese of Manila ang 1Godly Vote bilang bahagi ng simbahan sa pagbibigay gabay sa mga botante sa tamang pagpili ng lider ng bayan na mamumuno sa susunod na anim na taon.
Ang 1Godly Vote ay sinimulan noong September 2 na serye ng pagtalakay sa mga dapat na taglayin ng mga pinuno ng bayan at inaasahan ang muling pagtalakay sa susunod na buwan.
(Marian Navales-Pulgo /Jun Magtangob)