4,057 total views
Nanawagan ang Prelatura ng Batanes sa mamamayan ng suporta sa isasagawang online concert para sa pagbangon ng Batanes na lubhang napinsala ng bagyong Kiko.
Ayon kay Fr. Vhong Turingan, chancellor ng prelatura, pangungunahan ng OPM artist ang online concert na layong makalikom ng pondo para sa pagsasaayos sa mga napinsala at pagbangon ng mga residente.
“Kami po ay humihingi sa inyo ng tulong sa pamamagitan ng isang online concert na pangungunahan ng ating mga OPM artists para makabangon ang prelatura at ang buong isla ng Batanes na nasalanta ng bagyong Kiko,” pahayag ni Fr. Turingan sa Radio Veritas.
Katuwang ng prelatura sa gawain ang Marian Missionary of the Holy Cross at ilang pribadong indibidwal na nais tumulong sa rehabilitation ng lalawigan.
Tampok sa Bangon Batanes online fundraising concert ang OPM legends na sina Joey Albert, Dr. Nonoy Zuniga, Chad Borja at inaasahan ding magtanghal si Ding Mercado.
Una nang umapela ng tulong si Batanes Bishop Danilo Ulep sa publiko para sa pagbangon ng Batanes.
Ayon kay Batanes Governor Marilou Cayco tinatayang nasa 70 hanggang 80 porsyento sa mga pamilya ng lalawigan ang naapektuhan ng bagyong Kiko habang umabot naman sa halos 360 milyong piso ang halaga ng pinsala.
Samantala, ibinahagi rin ni Fr. Turingan na bukod sa pagtugon sa epekto ng bagyo tinutugunan din ng prelatura ang mga apektado ng pandemya sa Batanes.
Kamakailan ay isinailalim ang buong isla sa enhanced community quarantine matapos maitala ang mahigit 100 kaso ng nahawaan ng COVID-19 sa loob ng limang araw lamang.
“Tutugunan din ng prelatura ang pangangailangan ng mamamayan lalo’t napasok na rin ang probinsya ng COVID-19 kaya sana’y tangkilikin po natin ang online concert na ito,” ani Fr. Turingan.
Gaganapin ang online concert sa September 26 alas onse ng umaga na mapapanuod sa facebook page ng Roman Catholic Prelature of Batanes at sa Dear Joey.
Sa mga magpapaabot ng tulong pinansyal maaring magdeposito sa Landbank account name Prelature of Batanes, account number 1081-0502-08, dollar account number 1084-0000-74 swiftcode TLBPPHMM o sa GCash account name Danilo Ulep 0917 578 0198.