402 total views
Ang mga layko ang bumubuo sa 90-porsyento ng Simbahan kaya’t mahalaga ang tungkuling ginagampanan ng bawat isa upang isulong ang panlipunang turo ng Simbahan para sa kapakanan at kabutihan ng bayan.
Ito ang binigyang diin ni Atty. Aurora Santiago – President ng Council of the Laity ng Diyosesis ng Kalookan sa naganap na National Laity Week Conference on Social Transformation through Civil and Political Involvement sa diyosesis na may titulong “Ang mga Panata Bilang Pamukaw ng Diwa ng Kristiyanong Pilipino: Mga Gabay sa Darating na Halalan 2022”.
Ayon kay Santiago, maituturing na ‘sleeping giant’ ang mga layko na kung ganap na magigising ang kamalayan sa mga nagaganap sa lipunan ay maaaring makapagdulot ng malaking pagbabago at kabutihan hindi lamang para sa Simbahan kundi sa pangkalahatan o sa common good ng bawat isa.
“We the laity comprises almost 90% of the Church the body of Christ, we are the so called sleeping giant who when awakened can create something great and do something big for the common good both for the church and for the country especially during this pandemic and the coming May 2022 Elections.” Ang bahagi ng pahayag ni Atty. Aurora Santiago – President ng Council of the Laity of Kalookan.
Ibinahagi ni Santiago na mahalagang makilahok sa mga makabuluhang diskurso ang mga layko upang maunawaan ang mga tunay na nagaganap sa lipunan na kinakailangan ng mawakasan sa pamamagitan ng pagiging aktibo at matalinong botante sa nakatakdang halalan.
Iginiit ni Santiago na panahon na upang magising ang bawat layko at aktibong manindigan para sa pagsusulong ng mga turo ng Simbahan para sa kabutihan ng bayan.
“We must be informed to answer the needs of the time, we must inform others the value of exercising their right of suffrage, their right to vote, we must convince them how to vote intelligently. We the Laity must actively participate in this endeavor, it is about time for the sleeping giant to wake up, stretch and act, we are all in this together for God and for our country.” Dagdag pa ni Atty. Aurora Santiago.
Kaugnay nito bahagi ng panawagan ng One Godly Vote election campaign na inilunsad bilang paghahanda sa nakatakdang halalan na seryosohin ng bawat mamamayan ang pambihirang karapatan ng bawat isa na bumoto at maghalal ng mga opisyal ng bayan na nakabatay sa panlipunang turo ng Simbahan.
Ang National Laity Week Conference on Social Transformation through Civil and Political Involvement na inorganisa ng Council of the Laity of Kalookan ay bahagi ng pagdiriwang ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa National Laity Week ngayong taon na may temang “Celebrate as One in 2021: The Gift of Christianity, the Gift of Mission, the Gift of Unity.”