354 total views
Nangangamba si Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo na maulit ang moro-moro candidacy ngayong 2022 elections.
Ang tinutukoy ng obispo ay kaugnay sa paghahayag paksyon ng PDP-Laban na Bong Go at Rodrigo Duterte tandem bilang pangulo at pangalawang pangulo sa nalalapit na halalan.
Ayon kay Bishop Pabillo, tulad ng 2016 elections na sa kabila ng pagtanggi ng noo’y alkalde ng Davao ay sa huling pagkataon ay tumakbo rin itong pangulo at nahalal bilang pinakamataas na pinuno ng bansa.
“Ang nakakalungkot lang na kahit na magdeklara sila kahit na magfile pa sila ng kanilang certificate of candidacy may palitan-palitan pa rin hanggang November so hindi ka nakakasigurado na ‘yan ay tatakbo,” ayon kay Bishop Pabillo sa programang Pastoral Visit on-the-air ng Radyo Veritas.
Tinukoy ng Obispo ang pagtanggi ni Davao City Mayor Sarah Duterte na pakikilahok sa national arena na hihinala namang hahalili sa reluctant candidate na si Sen. Go sa pagkapangulo o ang Duterte-Duterte tandem.
‘Yung reluctancy na pinapakita nila, baka moro-moro din lang yan. Hindi natin alam, kasi ganun din nung 2016 hindi ba? Si Duterte moro-moro lang hindi ako tatakbo tapos bandang huli tatakbo din siya. Ganun din ang sinasabi ni Sarah Duterte na hindi sya tatakbo ng national office dun lang siya sa Davao baka moro-moro din ang ganiyan.
Lacson and Pacquiao as opposition candidates
Hindi rin kumbinsido ang obispo sa mga lumulutang na oposisyon sa kasalukuyan na kilala rin bilang mga dating tagasuporta ng Pangulo kabilang na si Senators Manny Pacquiao, Tito Sotto at Ping Lacson.
“Pero baka naman laro-laro lang para lalong mahati ang oposisyon. Kaya ‘yan ang dapat nating tingnan. Kasi wala naman silang pinapahayag na talagang kontra sa mga polisiya na ayaw natin tulad ng EJK, corruption-ang lalaki ng korupsyon na nangyayari ngayon. Tulad sa death penalty. Yan si Lacson siya ang nagsusulong ng anti-terrorism law na ngayon ginagamit ng administrasyon sa mga red tagging nila,” dagdag pa ng obispo.
Paliwanag pa ni Bishop Pabillo na maaring ito ay bahagi ng hakbang ng administrasyon na hatiin ang tunay na oposisyon.
Kabilang sa mga pulitikong nagpahayag na ng pagkandidato sa pampanguluhan at pangalawang Pangulo si Senator Manny Paquiao; tambalang Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso at Dr. Willie Ong.
Nais ding malaman ng obispo ang mga polisiya ng alkalde ng Maynila sa kanyang pagtakbo bilang Pangulo ng Pilipinas lalu na ang paninindigan sa West Philippine Sea at ang pagbubukas ng bansa para sa imbestigasyon kaugnay sa karahasan sa International Criminal Court.