719 total views
Ang mga Pari ay mga tao din na nakararanas ng matinding lungkot at pagod lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Ito ang ibinahagi ni Diocese of Novaliches Bishop Roberto Gaa sa kanyang Pastoral Visit On-Air sa himpilan ng Radyo Veritas kaugnay sa pangangalaga maging sa kapakanan ng mga Pari sa gitna ng malawakang krisis pangkalusugan na dulot ng COVID-19 pandemic.
Ayon sa Obispo, mahalagang magkaroon din ng kamalayan ang mamamayan at mga lingkod ng Simbahan sa tamang pangangalaga sa sarili sa gitna ng iba’t ibang mga malulungkot at masasamang nangyayari sa pamayanan.
Paliwanag ni Bishop Gaa, dapat ring tugunan ang pangangailangan ng mga Pari sa counseling sapagkat tao lamang din ang mga lingkod ng Simbahan na nakararamdam ng pagod at lungkot dahil sa mga nagaganap sa lipunan.
“Sana ay meron tayong expert to initiate yung awareness na kailangan alagaan din natin ang sarili natin tapos magandang pag-usapan sa iba’t ibang lebel pag-usapan sa level ng ministry, pag-usapan sa level ng vicariate kung talagang kailangan pang o marahil yung tama ng lungkot at pagod. Pwede ding mag-approach for counseling kasi kailangan din talaga parang hindi naman mga superman ang mga Pari talagang hindi napapagod o hindi na sila tao, tao pa rin ang mga Pari. Magandang makita na tugunan din ang mga ganyang klaseng pangangailangan.” Ang bahagi ng pahayag ni Novaliches Bishop Roberto Gaa sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ng Obispo, isa sa pinagmumulan ng lungkot, pagod at stress ng mga Pari ay ang pagiging malapit sa kanilang mga parokyano na dahilan upang lubos na maapektuhan ang mga ito sa pagkakasakit o pagkamatay ng bawat isa dahil sa epekto ng COVID-19 virus.
Giit ni Bishop Gaa, mahalaga rin ang kaalaman sa pangangalaga sa sarili ng mga Pari at iba pang lingkod ng Simbahan sapagkat tulad ng bawat isa ay mayroon din ilang mga problema na bukod sa pagdarasal ay kinakailangan ring harapin upang masolusyunan.
“Importante na marunong kang pangalagaan ang sarili mo kasi tao pa rin tayo meron tayong mga trauma na pinagdaanan dati, meron tayong pang-taong pangangailangan, meron tayong mga problema na pinagdadaanan na minsan ay hindi rin nakukuha sa dasal or kapag dinaan lang natin sa dasal na hindi natin hinaharap sa tamang solusyon ay baka lalong lumalim lang.” Dagdag pa ni Bishop Gaa.
Paglilinaw ng Obispo, hindi kasakiman ang pag-aalaga sa sarili lalo na ng mga lingkod ng Simbahan upang makapaglingkod ng buo sa kawan ng Diyos sa pamamagitan ng pagiging daluyan ng habag, awa at pagmamahal ng Panginoon.
Ayon kay Bishop Gaa, “Papaano kung tayo rin ay maupos, tayo ay maubusan how do we minister to people entrusted to us, paano natin pangangalagaan yung mga taong inihabilin sa atin kung tayo din pakiramdam natin ay pigang-piga na rin tayo.”