986 total views
Mga Kapanalig, napagpasiyahan kamakailan ng ating mga mambabatas na ipagpaliban sa susunod na taon ang halalan ng barangay na dapat sana’y idaraos sa katapusan ng Oktubre. Isang dahilang ibinigay ng mga mambabatas ay upang maisabay na lang daw ang halalang ito sa pagpili ng mga delegado sa constitutional convention kung sakaling ito ang magiging paraang mapagpapasiyahan para sa pagbabago ng ating Saligang Batas. Sang-ayon sa pagpapaliban ang ating pangulo sapagka’t maari rin daw bumaha ng pera mula sa droga sa nasabing halalan, lalo na’t nagiging mainit ang kampanya ng pamahalaan laban dito.
Gaano nga ba kahalaga ang barangay bilang bahagi ng pamamahala sa ating lipunan? Marahil marami sa atin ay ni hindi man lamang nakabisita pa sa opisina ng ating barangay, o kaya naman ay hindi kilala ang ating kapitan o punong-barangay at mga kagawad. Marahil ay napupunta lamang tayo sa barangay kapag kailangan natin ng barangay clearance at sedula, o kung may gusto tayong ireklamong kapitbahay o taong may nagawang masama sa atin; o kaya naman kung tayo ang ipinatawag dahil may nagreklamo laban sa atin.
Totoo ngang isang mahalagang gampanin ng barangay ang panatilihing maayos at mapayapa ang kinasasakupan nitong mga pamayanan, kung kaya namamagitan ating mga barangay officials sa mga nag-aalitan. Ito rin ang isa sa mga pinakikilos ng kasalukuyang pamahalaan sa kampanya nito laban sa droga dahil higit na kilala ng mga namumuno sa barangay ang mga tao. Pinapamagitan sa mga kagawad ng barangay ang mga alitan at sigalot sapagka’t kung kayang maayos ang mga ito sa mababang antas ng barangay, hindi na kailangang humantong pa ang mga hindi pagkakaintindihan sa korte kung saan lalong tatagal ang pagresolba ng alitan.
Ang ating Simbahan ay kinakatigan ang ganitong prinsipyo sa kanyang mga katuruang panlipunan. Tinatawag po itong prinsipyo ng subsidiarity. Sa ilalim ng prinsipyong ito, kung may mga gampaning maaring isagawa ng mas mababang institusyon, hindi makatarungang sakupin pa ito ng mga nakatataas na institutsyon. Batay sa prinsipyo ng subsidiarity, makikita nating napakahalaga ng barangay. Sa kaisipan ng ating Simbahan, sa pamamagitan ng mga institusyong nasa ibaba tulad ng mga barangay, higit na maaring maging kabahagi ang mga tao sa buhay pulitikal at panlipunan ng kanilang bansa.
Kung gayon, mga Kapanalig, ano naman kaya ang ibig sabihin nito para sa ating mga mamamayan? Ayon sa ating Simbahan, ang maliwanag na implikasyon ng prinsipyo ng subsidiarity ay ang ating aktibong partisipasyon o pakikilahok. Sa maikling salita, may pakialam dapat tayo. Bilang indibidwal man o sa pamamagitan ng mga organisasyon natin, tayo ay dapat nag-aambag sa pangkalahatang buhay ng pamayanan at lipunan. Sinasabi pa ng Simbahan na dapat ay hindi limitado ang pakikilahok na ito sa iilang larangan ng buhay ng pamayanan. Sa katunayan, napakahalaga, ayon sa ating Simbahan, ang pakikilahok sa buhay panlipunan at pampulitika.
Samakatuwid, napakahalagang ang mga mamamayan ay may tuwirang pakikilahok sa kanilang barangay. Pinakasimpleng paraan na marahil ang dumalo sa mga pinapatawag na asembliya o mga pagpupulong ng barangay. Halimbawa, inaalam ba natin kung saan ginagastos ang pera ng barangay? Ikalawa, iparating natin sa barangay ang mga suliranin ng ating pamayanan o kaya ay magbigay ng mga mungkahi sa maaring gawing mga solusyon. Ikatlo, seryosohin at pagbutihin ang pamimili ng mga pinuno ng barangay. Gamitin natin ang panahon ng pagpapaliban ng barangay elections upang higit nating makilatis ang mga ginagawa ng ating barangay at ang mga nagpapalakad nito.
Mga Kapanalig, ang mga mungkahing nabanggit hindi lamang upang tayo ay maging mga mabuting mamamayan. Mga paraan ito ng ating pagtalima sa turo ng ating Simbahan na makilahok sa pamamahala ng ating mga pamayanan upang maitaguyod and pangkalahatang kapakanan.
Sumainyo ang katotohanan.