175 total views
Kapanalig, napabilis ng pandemya ang migrasyon ng maraming uri ng trabaho sa mga online platforms. Kung dati rati, kailangang office-based ang trabaho ng maraming Filipino, ngayon, pwede na kahit remote o home-based.
Mga bagong business models na ngayon ang umuusbong dahil sa kombinasyon ng pangangailangang manatili sa bahay at pagsulong ng teknolohiya. Ngayon nga kapanalig, ang mga manggagawa gaya ng mga freelance workers ang maaring magbenta na ng kanilang serbisyo online. Hindi na niya kailangan pang maghintay ng mga job or project openings. Ang mga kumpanya naman ay hindi na kailangang mag-advertise ng kanilang mga job openings. Maari na lamang sila makipag-ugnayan sa mga third-party platforms, gaya ng Upwork o onlinejobs.ph upang maglista ng mga gawaing nais nilang i-outsorce. Mas maliit ang gastos ng manggagawa at kumpanya, mas mabilis din ang koneksyon.
Ayon sa isang pag-aaral, tinatayang may 1.5 milyong Filipino ang mga digital platform workers ngayon o mga online freelancers. Kadalasan, ang kanilang mga trabaho ay kaugnay ng software development, pagsusulat, pagiging virtual assistants, pagtuturo ng Ingles, content moderation at iba pa.
Ang mga ganitong trabaho, kapanalig, ang tumulong sa marami nating kababayan na maka-ahon sa gitna ng kasalatan ng trabaho at kita sa pandemya. Nagbukas din ito ng maraming oportunidad para sa marami nating mga kababayan na laging lugi o marginalized pagdating sa hanapan ng trabaho. Isang ehemplo dito ay ang mga persons with disabilities, o kaya yung mga nanay na kailangang alagaan ang mga anak at di makalabas ng bahay. Malaking ganansya ito para sa marami dahil nabawasan ang kanilang pag-aalala sa kawalan ng kita, natugunan pa ang kanilang isyu sa accessibility at gender-bias. Pwede ring maabot at mapaunlad ng online ang mga kanayunan ng bansa, kung papalawigin pa natin ito.
Kaya’t nararapat lamang na ang ganitong uri ng trabaho ay patatagin, para sa manggagawa at siyempre sa kanilang kumpanya. Unang una, ayusin dapat ng bayan ang ating digital infrastructure. Kahit pa may bagong IT companies na nagbibigay ng internet service, marami pa ring connectivity issues ang kinakaharap ang bayan. Maraming dead spots, madalas bad connection. Ang mga nangunguna nating mga telecoms company, mabilis maningil pero mabagal ang customer service. Pag tatawag ka, laging automated ang response, at maghihintay ka ng pagkatagal-tagal para lamang may makausap. Pag naniningil naman, mabilis tumawag. Lugi naman sa ganyang sistema ang mga online workers.
Malaking bentahe ang pamamayagpag ng online work sa bansa ngayon, kaya’t sana lalo pa nating pagtatagin ito. Ayon nga sa Laborem Execens, “ang respeto sa manggagawa ang siyang dapat humulma sa ekonomiya ng bansa.” Mapapakita ng bayan ang respeto nito sa ating mga online workers sa pamamagitan ng pagbibigay atensyon hindi lamang sa buwis na ating kakaltasin sa kanila, kundi sa pagtugon sa kanilang mga pangunahing pangangailan.
Sumainyo Katotohanan.