313 total views
Kapanalig, tintuturo sa mga paaralan sa ating bansa ang ating mga batayang karapatan magmula elementarya pa lamang. Napaka-ironic na tinuturo natin ito sa ating mga kabataan pero sila naman ang isa sa pangunahing biktima ng human rights violations sa ating bayan ngayon.
Isang halimbawa na lamang kapanalig, ay ang age of sexual consent sa ating bayan. Twelve years old ang age of consent sa Pilipinas kapanalig, at ito na ang pinakamababa sa buong Asya at ang pangalawa sa pinaka-mababa sa buong mundo. Isipin mo kapanalig, sa ating bansa kung saan maraming bata ang nahahalay, ganito pa kababa ang age of sexual consent. Ayon nga sa National Baseline Study on Violence Against Children, isa sa limang kabataan may edad 13 hanggang 17 ang nakaranas ng sexual violence, at isa sa 25 ang pinwersang makipagtalik noong bata pa lamang sila. Kadalasan, miyembro pa ng pamilya ang may sala. Parehong batang lalake at babae ang biktima nila. Mas mahirap mapapanagot ang mga nang-aabuso kung ang age of consent sa bayan ay nasa 12 anyos lamang.
Ang drug war din kapanalig, ay isa ring ehemplo ng pagiging biktima ng human rights abuses ang mga kabataan. Tinatayang higit pa sa 122 na kabataan ang napaslang dahil sa mga anti-drug operations. Maalala natin kapanalig, si Kian delos Santos na nagmaka-awa pa sa mga pulis na pumaslang sa kanya. Marami ring mga bata ang lubos na ulila dahil sa maraming napaslang na mga hinihinalang mga drug users.
Ang child labor, na maaring tumaas pa ang bilang ngayong pandemya, ay isa ring halimbawa ng paglabag sa karapatang pantao ng mga kabataan. Naging sentro nga ng produksyon ng child sex abuse materials ang mga bata sa ating bayan. Maraming pagkakataon, ang mga magulang pa nila ang nagtutulak at pumipilit sa mga anak nila sa ganitong trabaho.
Kapanalig, sino pa ang kakapitan at maasahan ng mga bata kung ang mga tao at mga institusyon na dapat sana ay nag-aalaga at nagmamahal sa kanila ang siyang tumatapak sa kanilang karapatang pantao? Saan pa pupunta ang mga batang ito para makahingi ng tulong at habag?
Ayon sa Gaudium et Spes – ang lahat ng insulto sa karapatan pangtao, lalo na sa mga nasa laylayan gaya ng mga maralitang kabataan, ay lason ng lipunan. Dapat nating iwaksi ito at panagutin ang mga may sala.
Malaking kasinungalingan, kapanalig, at malaking “injustice” ang pagpapabaya natin sa kapakanan ng mga bata sa ating bayan. Hindi natin matatawag ang ating sarili na Kristyano kung mananatiling kaawa-awa ang sitwasyon ng maraming bata sa ating bayan.
Sumainyo ang Katotohanan.