379 total views
Ilulunsad ng Center for Energy, Ecology and Development (CEED) at mga makakalikasang grupo ang kampanya upang mapangalagaan ang Verde Island Passage (VIP) sa Batangas laban sa panganib na maidudulot ng fossil fuel industry.
Ito ay ang #VIPforVIP campaign na nilalayong mahikayat ang mamamayan na makiisa para sa patuloy na pagpapanatili ng Isla Verde lalo’t higit sa mga likas na yamang matatagpuan dito.
Suportado naman ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza ang panawagang ito at sinabing hindi dapat pahintulutan ang pagtatayo ng pabrika para sa pagkuha ng fossil gas sa Batangas dahil magdudulot lamang ito ng matinding pinsala, hindi lamang sa mga yamang-dagat, kundi maging sa kabuhayan ng mga nasa komunidad malapit sa VIP.
“Plans for more fossil gas and [Liquefied Natural Gas] in Batangas cannot be allowed to destroy the thriving marine life in the waters of VIP, nor cause suffering to communities who rely on the health of this marine corridor for their sustenance,” pahayag ni Bishop Alminaza.
Ayon naman kay CEED Research, Policy, and Law Program Head Atty. Avril de Torres, ang Isla Verde ay tinaguriang “most biodiverse marine habitat” sa buong mundo dahil dito nagmumula ang nasa halos 60-porsyento ng shore fish species sa mundo.
“Knowing this, if there is massive expansion of fossil gas projects in the VIP, one of the many questions we should be asking is: what are we set to lose?,” saad ni Atty. de Torres.
Pormal namang ilulunsad ngayong alas-10 ng umaga ang #VIPforVIP campaign at maaaring matunghayan sa mga facebook page ng CEED-Center for Energy, Ecology and Development at Caritas Philippines.
Ang VIP ay isang ‘1.14-million hectare strait’ na nakapaloob sa Mindoro-Calavite-Tablas triangle na kinasasakupan ng Batangas, Marinduque, Romblon at ng Occidental at Oriental Mindoro.