344 total views
Nakiisa ang Diyosesis ng Iligan sa pamumuno ni Bishop Jose Rapadas III sa pagdadalamhati ng religious communities na labis apektado ng coronavirus.
Sa pahayag ng diyosesis tinukoy nito ang Religious of the Virgin Mary, Holy Spirit Sister’s community at iba’t ibang seminaryo kung saan ilang kasapi ang nahawaan ng COVID-19 at ilan din ang nasawi.
“We join you in mourning for the untimely demise on your beloved members, we assure you that our diocese prays for their souls, that they may all inherit the Kingdom of God that our Lord Jesus, whom they loved and served, promised,” pahayag ni Bishop Rapada.
Una nang ibinahagi ng RVM Congregation sa Radio Veritas na sa 62 madre na nahawaan ng virus, sampu rito ang nasawi habang gumaling na sa karamdaman ang iba pa.
Bukod pa rito ang ilang pari at kawani ng Villa Cristo Rey ng Divine Word Seminary sa Quezon City na patuloy ding binabantayan dahil sa ilang naitatalang kaso ng COVID-19.
Ibinahagi rin ni Jesuit Communications Executive Director Fr. Emmanuel Alfonso na apat na lugar sa Ateneo De Manila University ang naka-lockdown matapos magtaglay ng nakahahawang virus ang 19 na indibidwal.
Tiniyak ni Bishop Rapadas ang pananalangin sa kagalingan ng mga dinapuan ng karamdaman at ang ppagtatagumpay na labanan ang epekto ng COVID-19 sa Pilipinas at sa buong daigdig.
“We as well assure you our prayers for your safety and protection from these unseen foes. As we celebrate the feast of the patron saint of the diocese, St. Michael the Archangel, we will pray to him that he will defend and protect us all in this battle,” ani ng obispo.
Sa Pilipinas umabot na sa halos 2.5 milyon ang kabuuang kaso kung saan higit sa 160 libo na lamang ang aktibong kasong patuloy binibigyang lunas.
Samantala, pinaigting naman ng pamahalaan ang vaccination roll out bilang paunang hakbang na mapigilan ang paglaganap ng virus kung saan mahigit sa 40 milyon na ang nakatanggap ng bakuna at kalahati rito ay fully vaccinated na.
Patuloy ang pakikiisa ng simbahan sa kampanya ng pamahalaan sa pagsugpo ng COVID-19 kabilang na ang pagpapabakuna sa mga mamamayan.