404 total views
Nakatakdang pangunahan ng Kanyang Kabunyian Jose Cardinal Advincula – Arsobispo ng Archdiocese of Manila ang paggunita ng ika-limang anibersaryo ng Sanlakbay sa Pagbabago ng Buhay.
Ang “SANLAKBAY para sa Pagbabagong Buhay” ay ang drug rehabilitation program ng Archdiocese of Manila na itinatag noong 2016 bilang paraan ng pagtugon ng Simbahang Katolika sa suliranin ng pagkalulong sa illegal na droga ng ilang mamamayan.
Tema ng ikalimang anibersaryo ng Sanlakbay ay ang “Sana All Kapag Tulong-tulong may pagsulong”.
Ayon kay Rev. Fr. Roberto ‘Bobby’ Dela Cruz, Priest-in-Charge ng Restorative Justice Ministry ng Archdiocese of Manila na nangangasiwa sa programang SANLAKBAY, mahalaga ang pagtutulungan ng iba’t ibang institusyon ng lipunan upang mapanumbalik ang tiwala at kapanatagan na kinakailangan para makapagbagong buhay ang isang nalulong sa pinagbabawal na gamot.
“5 years na! Ang sama-samang tulungan ng iba’t-ibang mahalagang institusyon pati na mga indibidwal na may mabuting loob ay bahagi sa Pag-unlad, Pagpapanumbalik ng Tiwala, at Kapanatagan na kinakailangan para magbagong buhay ang isang nalulong sa pinagbabawal na droga.” mensahe ni Fr. Roberto ‘Bobby’ Dela Cruz.
Nakatakda ang paggunita ng ika-limang anibersaryo ng Sanlakbay sa Pagbabago ng Buhay sa ika-23 ng Oktubre, 2021 kung saan isasagawa ang isang Banal na Misa sa Archdiocesan Shrine of Sto. Nino de Tondo ganap na alas-nuebe ng umaga na maaaring masubaybayan sa pamamagitan ng pagtutok sa live streaming ng gawain sa Facebook page ng Archdiocesan Shrine of Sto. Nino de Tondo, Quiapo Church, Caritas Manila, TV Maria at Veritas846.ph.